Pagitan ng Pagkilos
Kaya pa kaya tayong gulatin ng Senado?
Sa bawat araw na lumilipas, mas lalong pinatutunayan ng Senado na sila ay entablado ng krisis. Halos gabi-gabi nang may bagong drama, bagong bangayan, at bagong eskandalong nailuluwal sa loob ng kanilang bulwagan—isang simbolo ng bulok na pulitika sa bansa. Gayunpaman, sa gitna ng lahat ng ingay at kaartehan ng mga senador, may natatanging katotohanang hinding-hindi nila kayang pagtakpan: habang mas nabubulok ang naghaharing sistema, mas humihinog din ang progresibong kamalayan sa hanay ng sambayanan.
Nitong mga nakaraang araw, muli na namang nalantad ang kabulukan ng Senado matapos mag-walkout ang ilang senador mula sa minorya bunsod ng mainit na pagtatalo hinggil sa mosyong inihain ni Rodante Marcoleta na naglalayong payagang makaboto sa bisa ng teleconferencing ang mga absent na senador. Hindi lingid sa ating kaalaman na hindi ito simpleng usapin ng inobasyon o teknikalidad—malinaw na repleksyon ito ng desperasyon ng naghaharing paksyon sa loob ng Senado upang manipulahin maging ang pinakapayak na mekanismo ng batas alang-alang sa kanilang pampulitikang interes.
Madaling matukoy ang ugat ng naturang bangayan sa Senado, lalo na’t maisakokonteksto ito sa mga nangyari noong mga nakaraang linggo. Nagsilbing kanlungan ang nasabing institusyon para kay Ronald “Bato” dela Rosa, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon. ‘Di rin pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ng kampo ni Bato para sa temporary restraining order (TRO).
Wala nang ibang opsyon si Bato ngayon kundi ang magtago—at hindi malabong kakailanganin din ito ng kanyang mga kaalyado sa mga susunod na linggo. Naghain na kasi ang Office of the Ombudsman ng plunder and graft cases laban kay Jinggoy Estrada at inihayag din nila ang planong pagsasampa ng kaparehong kaso laban kay Joel Villanueva. Si Marcoleta naman ay haharap sa kasong plunder at indirect bribery kaugnay ng mga malisyosong donasyon para sa kanyang senatorial campaign habang nanunungkulan bilang isang kongresista.
Higit sa lahat, nakaamba rin sa Senado ang impeachment trial laban kay Sara Duterte, na malinaw na dahilan kung bakit pinipilit ng mayorya na mapanatili ang impluwensya ng kanilang mga kaalyadong nakatakdang bumagsak sa selda. Sa halip na magsilbing institusyong nagtataguyod ng pananagutan, lalong nailalantad ang reyalidad na ang Senado ay isang espasyong ginagamit ng mga makapangyarihan para sa kanilang sariling interes.
‘Di na ito bago—paulit-ulit lang ang ganitong klase ng mga eksena sa pulitika ng Pilipinas. Nag-iiba-iba man ang mga pangalan at paksyunan, iisa pa rin naman ang hulma ng kanilang tunggalian: agawan sa kapangyarihan sa loob ng isang sistemang matagal nang inaanay ng korapsyon at karahasan. May ilang nagsasabing political drama o sirkus daw ang nagaganap sa Senado, na wari mo’y maaaring panoorin sa telebisyon bilang pampalipas-oras bago magsiyesta. Ngunit, para sa’kin, hindi sapat ang gano’ng pagsusuri.
Ang tumatambad kasi sa’tin ngayon ay isang mas malalim na krisis—isang lantad na paggigirian ng mga naghaharing-uri upang mailigtas ang kani-kanilang interes habang patuloy na nilulunod sa paghihirap ang taumbayan. Kapag umaabot na tayo sa puntong naglalabasan ang kanilang mga bitak sa publiko—sa live television, sa privilege speeches, sa mga hearing—mas nagiging malinaw ang reyalidad na hindi talaga para sa mga mamamayan ang institusyon na kanilang tinataguyod.
Aaminin ko, may bahagi sa’king pagod nang sumubaybay sa bawat balitang lumalabas sa Senado. Halos araw-araw na lang may bagong maniobra, bagong alyansa, bagong pagtataksil ng mga dinastiyang pampulitika na nagkukunwaring tagapaglingkod ng bayan. At sa gitna ng kanilang tunggalian, patuloy pa ring nagtitiis ang sambayanan sa tumitinding krisis sa iba’t ibang salik ng lipunan.
Milyon-milyong Pilipino pa rin ang walang kasiguraduhan kung paano bubuuin ang pang-araw-araw na gastusin. Tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakarampot pa rin ang sahod, mas lumalala ang krisis sa edukasyon, at mas lumalaki ang hanay ng mga Pilipinong walang disenteng trabaho.
Kung susuriin natin ang mga suliranin sa Senado mula sa lente ng isang naghihikahos, nagugutom, at napapagod na Pilipino, hindi maipagkakailangang malayo ang kanilang mga debate sa tunay na kalagayan ng masa. Gayunpaman, katulad ng matagal nang sinasabi, hindi naman nawawala ang pag-asa, lalo pa’t sa gitna ng tunggalian sa hanay ng mga naghaharing-uri, may mahalagang salik na unti-unting nahihinog sa ating lipunan.
Sa bawat garapal na maniobra ng mga mambabatas, mas lumilinaw sa mga mamamayan ang tunay na katangian ng sistema. Sa bawat pagtatangkang manipulahin, bastusin, babuyin, at gawing katatawanan ang proseso ng batas, mas nahuhubaran ng maskara ang mga institusyong matagal nang nagpapanggap bilang tagapagtaguyod ng demokrasya.
Sa bawat krisis na isinisilang ng bulok na sistema, mas dumarami rin ang mga Pilipinong natututong magtanong, magduda, at kalauna’y makisangkot sa mapagpalayang laban para sa kalayaan at katarungan.
Marahil ito ang pinakamahalagang bagay na dapat nating maunawaan sa harap ng sunod-sunod na mga balita: hindi aksidente ang pagkabulok ng Senado at ng buong estadong kinababahagian nito. Likas ang kabulukang ito sa isang sistemang nakadisenyo para lang protektahan ang interes ng iilan habang ipinapasa sa nakararami ang bigat ng krisis.
Hindi na nakapagtataka kung bakit paulit-ulit na sinusubukang gamitin ng mga nasa kapangyarihan ang iba’t ibang institusyon upang pahabain ang kanilang paghahari. Gagawin at gagawin naman kasi nila ang lahat upang mapanatili ang kanilang mga sarili sa pwesto sapagkat nakasalalay rito ang kanilang kapangyarihan.
Gayunpaman, hinding hindi magpapatinag ang mga mamamayan. Batid kasi nating may taning na ang bulok na sistema—malapit nang dumating ang bukang-liwayway kung saan matagumpay itong mapababagsak sa pamamagitan ng ating sama-samang pagkilos.
Habang paigting nang paigting ang kabulukan ng nananaig na kaayusan, mas nahihinog din ang kolektibong galit ng taumbayan. Habang mas lumalalim ang krisis sa loob ng estado, mas lumilinaw rin ang pangangailangan para sa isang mas radikal at makabuluhang pagbabago. Hindi sapat na tatratuhin nating entertainment ang nangyayari sa Senado—ang mas mahalagang tanong sa atin ay kung paano natin gagamitin ang lumalalang krisis upang higit pang palakasin ang ating kolektibong pagkilos.
Sa huli, kailangan nating idiin na hindi naman talaga Senado ang magtatakda ng direksyon ng kasaysayan. Unang una sa lahat, hindi naman nasusukat ang kasaysayan sa mapurol na mga privilege speech, parliamentary procedures, at paksyunan ng iilang mga mambabatas.
Ang tunay na magpapasya sa magiging hugis ng ating hinaharap ay ang mga mamamayang matagal nang pinagsasamantalahan ngunit patuloy na natututong lumaban.
Iyon ang pinakamakabuluhang katotohanan sa gitna ng lahat ng ito. Habang mas nabubulok ang sistema, mas humihinog ang sigasig at kamulatan ng sambayanan para sa puspusang pakikibaka na dudurog sa lahat ng mga salot ng lipunan, tungo sa ganap na tagumpay.■
DISENYO NI JIAN ABORDO


