Natatakot akong sumablay.

Karaniwang tanong ng mga interesadong mag-apply sa Associate of Science in Development Communication (ASDC) program ng kolehiyo kung madali raw bang makapagpatuloy sa Bachelor’s na counterpart nito. ‘Di pa rin kasi sobrang aksesible ‘yung mga impormasyon tungkol sa ASDC, kaya bagaman paulit-ulit na, ‘di ko pa rin kinatatamaran ang sumagot.

Para sa’kin, madali lang namang mapasa ‘yung mga kahingiang kurso sa ASDC. May pribilehiyo ka pa ngang ma-prioritize sa enlistment sa ikalawang taon mo, pati na rin tuwing midyear. At ‘di rin naman laganap ‘yung diskriminasyon sa Unibersidad—associate student ka man o UPCAT passer, wala naman talagang masyadong may pakialam. 

Sa bahagi ko, medyo may kasiguraduhan na akong gagradweyt ako sa darating na Hulyo. Hinihintay ko na lang ding dumating sa AMIS ko ‘yung grades ko sa ibang kurso, habang may ilan pang hinahabol na major requirements sa DEVC 135 at DEVC 144. Sa katunayan, balak ko na ngang bumili ng Sablay bago matapos ang buwan. Nakatakda na rin ‘yung year-ender party namin ng mga kaibigan ko sa ASDC. 

Gayunpaman, inaamin kong natatakot pa rin akong harapin ang nalalapit na pagtatapos. Hindi naman ako kabado kung pasok ba ‘yung GWA ko sa kinakailangan para makapag-ladderize. Biro pa nga ng mga kaibigan ko, baka raw mag-summa cum laude pa ako kapag natapos na namin ‘yung BSDC. 

Ang tunay na rason kung bakit may takot sa loob ko ay marahil dahil ‘di pa naman talaga ako sigurado kung gusto ko pa bang magpatuloy. Habang tumatagal kasi ako sa kolehiyo, mas tumitindi rin ‘yung panghihinayang ko sa inaaral ko. ‘Di rin naman lingid sa kaalaman ng nakararami na hindi na sumasapat sa akin ‘yung mga Devcom course na kinukuha ko. 

Unang semestre ko pa lang kasi, napagtanto ko nang hindi ako mas’yadong natututo sa mga aktibidad na ginagawa namin sa mga klase. Bagaman mayaman sa teorya ‘yung kurikulum, sa palagay ko, may malaking pagkukulang pa sa praktika. May ilan nang mga tanong na bumabagabag sa akin mula pa no’n: una, bakit madalas kinakailangang humanap ng “expert” hiwalay pa sa mismong mga miyembro ng komunidad? Hindi ba’t ‘yung mga nasa komunidad din mismo ang higit na nakakaalam ng sitwasyong dinaranas nila? Bakit may mga kuwento akong naririnig na may mga paksa raw na development-oriented naman pero hindi pinapayagang i-pursue

Hindi maubos-ubos ‘yung mga tanong ko. Dumating pa sa puntong may reflection paper akong sinulat sa DEVC 80 na nagsilbing matalas na critique sa Devcom. Sabi pa nga ng propesor ko, “masters level” daw ‘yung papel na ‘yon. Pero ngayon, nangangalap na lang ng alikabok sa arkibo ko. 

Umabot sa rurok ‘yung pagod, panghihinayang, at pakiramdam ng pagkabigo sa loob-loob ko nang isang beses na nagpasya akong lumiban sa dalawang klase para i-cover ‘yung pakikibaka ng mga mamamayan ng Bambang laban sa demolisyon. Muntik na kasi akong ‘di maka-graduate dahil do’n; maximum absences na raw kasi ako sa isa kong non-academic course.

Galit na galit ako sa sarili ko no’n sapagkat parang tinutulak ako ng neoliberal na sistema ng edukasyon upang magsisi na pinili kong gawin ‘yung trabaho ko bilang isang alternative media worker kaysa pumasok sa klaseng wala naman talaga akong natututuhan. 

Sa madaling sabi, matagal na talaga akong may agam-agam. Matagal ko na talagang iniisip kung ano ang saysay ng pagpapatuloy sa pag-aaral pagkatapos gumradweyt. Natatakot akong sumablay kasi kakambal ng tagumpay na ‘yon ang paalalang kailangan ko nang magpasya. Natatakot akong magpasya sapagkat alam kong pagkatapos sumablay, kapag nakatupi na ang barong at napasalamatan na ang lahat ng kailangang pasalamatan, ang sunod kong sasalubungin ay ang mga krisis na nanunuot sa lipunan.

Sa totoo lang, ngayon ko lang din napagtanto kung ano ba talaga ‘yung tanong na gusto kong masagot: hindi na ito tungkol sa kung ano ang gusto kong gawin, kundi tungkol sa kung paano ko gustong mabuhay.

Sabi ng isa kong kaibigan, palagi ko lang daw dapat tingnan kung saan ba ako pinakakinakailangan—gabay raw kasi ‘yon sa bawat mabigat na pagpapasya. Marahil iyon ‘yung rason kung bakit may bahagi sa aking naghahangad na mag-full-time. Marami pa kasing probinsya sa Timog Katagalugan na kinakailangang maabot ng alternatibong midya, at sa bawat probinsyang iyon nananahan ang mas marami pang komunidad na nakikibaka. 

Batid ko namang hindi ako habambuhay na nasa UP. Darating naman talaga ang punto na hindi ko na kinakailangang mamili. Magkakaroon naman talaga ng panahon, sa mas malayong hinaharap, na buong-puso’t walang agam-agam kong magagawang tumugon sa hamon sa aking henerasyon—ang magsilbi sa sambayanan bilang isang pultaym na organisador at alagad ng alternatibong midya. 

Pero ‘di rin maitatanggi ng reyalidad na ito na may malalim na kabuluhan ‘yung magiging desisyon ko sa mga susunod na buwan. May pagkakataon na ako ngayon upang bumalikwas sa mga pangambang hinuhubog lang din ng sistema ng edukasyon na nagtutulak sa aking mamili sa pagitan ng pag-aaral at pagsisilbi, sa pagitan ng interes ng aking pamilya at interes ng masa. 

Sa kabila ng lahat ng ito, gagap ko namang hindi ko pa rin kayang magpasya nang buong-buo sa pamamagitan ng pagsusulat ng isang hamak na sanaysay. Nalagay ko man sa isang piyesa ‘yung nararamdaman ko ngayon, hindi ko pa rin naman maipagkakaila na hindi madaling mabura ang mga pag-aalinlangan. 

Sa ngayon, susubukan ko munang magpahinga. Magpakatatag. Mapanatag sa katotohanang anuman ang pagpapasyang tatanganin ko sa hinaharap, lagi’t laging may siwang para aktibong makilahok sa mapagpalayang pakikibaka ng masa. 

Sa dulo, internal ang mapagpasya. ■

Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication na nagsilbi bilang Managing Editor ng Tanglaw noong nakaraang semestre. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya