Isinulat nina Eyah Sy at Maegan Grace Guevarra


DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa hinabing istorya ng apat na graduating associate students, ginunita nila ang mga dahilan kung bakit sila nanatili sa Devcom.
  • Sa ilalim ng palyadong sistema, ginalugad ng mga iskolar ng bayan ang mga dagok sa loob ng dalawang taong minadali upang makapagtapos.
  • Pagkatapos sumablay ay ibig nilang tahiin ang kanilang mga plano patungo sa BS Devcom at pagtahak ng mga karerang naka-angkla sa paglilingkod.

Sa paghabi ng sinulid, tutusok ang sakit na tatagos sa mga luntiang ugat, at padadaluyin nito ang pulang dugong mag-uukit ng ginintuang paninindigan. Hindi lamang Sablay ang tinatahi—hinuhubog din ang katawang magsusuot at papasan sa timbang nito. 

“Hindi lang ako ang pumili sa Devcom; pakiramdam ko, pinili rin ako nito.”

Ito ang wika ni Rie Akioka habang binabalikan ang kaniyang mga karanasan bilang isang graduating student ng Associate of Science in Development Communication (ASDC).  Isinalaysay niya ang mga balakid na kaniyang dinanas magmula sa ASDC application hanggang sa pagtahak ng dalawang taon sa loob ng pamantasan upang makamit ang Sablay na kaniyang inaasam. 

Bagama’t una nang nakapasa sa isang state university na mas malapit sa kanilang tahanan sa probinsya ng Quezon, pinili niyang tahakin ang mas malayong paglalakbay patungong Laguna dahil mula noon pa man ay pangarap na talaga niyang maging iskolar ng bayan.Simula una pa lang ay alam na niyang tila tinatawag siya ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran.    

Naging inspirasyon niya ang kaniyang pinsan na isang Devcom alumnus, ngunit hindi lang ito ang dahilan kung bakit niya pinagsikapang ituloy ang programa at gugulin ang dalawang taon sa UPLB. 

“Habang mas nakikilala ko ang disiplina, mas lalo kong nakita ang sarili ko rito. Natutuhan kong ang komunikasyon ay hindi lamang tungkol sa pagpapadala ng mensahe—ito ay tungkol sa pakikinig, pag-unawa, at pakikipagkapwa.” 

Hindi naiiba ang kuwento ni Rie kay Ysahbel Ardieta na dulot ng pagmamahal sa pamilya ay tinahak din ang Devcom sa kolehiyo. 

“Ang biggest influence ko sa pagsubok sa ASDC ay ang nanay ko. Nagtapos din siya sa UP bilang BS at MS Devcom graduate,” wika ni Ysa, habang isinalaysay ang nabuong paghanga—hindi lamang upang sundan ang landas ng kaniyang ina, kundi upang ilaan din ang kaniyang buhay lampas pa sa kapakanan ng kaniyang sarili at paglingkuran ang mas malawak na masa. 

Dagdag pa niya, dito niya natagpuan ang kanyang hilig sa multimedia production, buhat ng samu’t saring fieldwork at pakikitungo sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

“Totoo na maraming fieldworks sa Devcom, challenging, pero ito ‘yung pinaka-favorite part ko. Kahit introverted ako ay na-survive ko naman. Siguro ginawa ko na rin siyang challenge para sa sarili ko na lumabas sa comfort zone ko—mas makisalamuha sa ibang tao, mas makisali sa mga importanteng diskusyon, at iba pa.” dagdag pa niya. 

Higit pa rito, ang pinakamahala sa lahat ng pabaon ng kursong tinahak ni Ysa sa kanya ay ang mga aral na kaniyang dadalahin sa nalalapit niyang pag-Sablay. 

If I learned one thing sa pagiging ASDC student, ‘yun ay matinding passion talaga ang kailangan mo—passion sa paglilikha at sa paglubog sa komunidad.” 

Sa dalawang taon ni Ysa sa kolehiyo, nabigyang-linaw ang ilan sa kaniyang mga pagdududa, Ngunit, hindi natatapos ang nakaambang  na mga suliraning na bumibigat sa pagpasan.

Unang sablay sa pag-Sablay 

Kung tutuusin, samut saring pag-aangat ng bangko kung ilarawan ang buhay ng isang iskolar ng bayan–-gaya na lamang ng katagang “matatapang, matatalino” na karaniwang inuugnay sa mga estudyante ng UP.

Ngunit, kaakibat ng mala-prestihiyosong katawagang ito ang mabigat na pasanin ng bawat iskolar dahil sa dami ng balakid na kailangan muna nilang maranasan at malampasan sa pamantasan. 

Bago pa man makaapak sa Los Baños, danas na agad ng associate students ang palyadong sistema. Magmula sa mahaba at masalimuot na proseso, pakikipag-agawan para sa kakarampot na slots, at ang pangambang walang mapapasukang Unibersidad ang ilan sa mga sistematikong suliranin na kanilang kinailangan munang harapin at malampasan bago tuluyang yakapin ng kolehiyo.  

Bagama’t ganito ang realidad; para sa iba, ito na lamang ang kanilang natitirang huling sandigan.

Kagaya ni Rei at ng iba pa na nakipagsapalaran, hindi rin kaibahan ang naging kuwento ni Abigail Alla, isa ring graduating ASDC student. “Pangarap ko talagang mag aral sa UP lalo na’t walang tuition. BS DevCom talaga ang first choice ko” 

Kung babalikan, inilahad ni Abigail ang kaniyang danas nang siya ay hindi pumasa ng UPCAT. Ngunit, para sakaniya, ASDC na lang ang kaniyang huling alas. 

“ASDC talaga ang nagbukas ng panibagong pag-asa para sa akin—na hindi pa tapos ang laban.”

Kaya naman, inilaban ito ni Abigail kahit naging mahirap man ang proseso. Ayon sa kaniya, bagama’t puno man ng kaba at pangamba, ipinagpatuloy niya pa rin dahil ito ang kaniyang pangarap.

“Devcom is really the program that fits my passion, kaya talagang hindi ko na binitawan,” wika ni Abigail.

Sa loob ng dalawang taon, pasan din ng bawat ASDC students ang bigat ng bawat semestre—hindi lamang dahil sa sandamakmak na courses ang kailangan nilang matapos, kundi dahil na rin sa isang sistemang paulit-ulit silang inilalagay sa alanganin. 

Mula sa  walang humpay na aberya tuwing enlistment hanggang sa pakikipagbalyahan tuwing prerogative enrollment,  marami ang nauuwi sa pagmamakaawa sa iba’t ibang professors na tanggapin sila.

“Bilang isang estudyanteng hindi kayang ma-delay, wala akong oras para magmukmok.” Wika ni Rie Akioka, habang isinasalaysay ang kaniyang danas noong siya ay nakakuha ng singko sa isang kurso sa kaniyang ikalawang semestre bilang freshman. “Panahon iyon na halos linggo-linggo akong nilalagnat.” sambit ni Rei.

Dagdag pa niya, iyon kasi ang kasagsagan ng matinding init ng panahon, kaya naman mas pinili na lamang niyang magpahinga kaysa suungin ang liblib na kinatitirikan ng University Health Services (UHS) para lamang makapagpa-validate ng kaniyang medical certificate.

Katulad ni Rie, dumanas din ng kabiguan si Cassandra Gean May Magbuo, isang ASDC batch 2023 graduate na na-delay ng isang taon upang magtrabaho, dahil sa sakit ng kanyang pinsan.  

Kinailangan ng kaniyang pamilya na tustusan ang buwanang dialysis ng kaniyang pinsan. Dahil dito, nakita rin niya kung gaano kalaki ang ginagastos ng kaniyang mga magulang para sa kanyang pag-aaral kumpara sa mga pangangailangan nila sa bahay. 

“I had to file a LOA [Leave of Absence]. I had to work so I can help financially na talaga sa family ko,” aniya.

Nilisan niya muna ang kanyang associate program at nagtrabaho siya sa Mediators Network for Sustainable Peace Inc. o MedNet, isang non-government organization na lumulubog sa mga lugar na talamak sa land disputes at mga alitan sa loob ng mga komunidad. 

Sinubok siya sa larangan ng development work noong kasagsagan ng North Luzon Expressway expansion sa Novaliches, Quezon City, kung saan ang mga naninirahan sa ilang barangay na malapit sa simbahan ay nanganib sa nakaambang displacement. Dito niya nailubog ang sarili sa reyalidad ng lipunan sa pamamagitan ng paglilingkod at pakikipanayam sa masa.

“Naniniwala sila [MedNet] sa pag-e-empower ng mga community mediators to dispute problems on their own sa community nila. So, yun yung naging work ko. I worked as a regional coordinator agad,” sambit niya.

Labas sa apat na sulok ng silid ay tinungo niya ang  lansangan at doon itinuloy ang pag-aaral, paghahanapbuhay, at pagsasabuhay ng Devcom.

Dahil naiukit sa puso ni Gean ang paglilingkod, dumating sa punto na hindi na niya ginustong ipagpatuloy pa ang ASDC. “At the time, very fulfilling yung job kasi na-apply ko rin yung lahat na natutuhan ko within my stay sa CDC. And sinasabi ko sa iyo, ayoko na talaga bumalik. Kasi nga, kumikita na ako, ginagawa ko na ‘yung gusto ko.”

Para sa kanya ay nakatulong siya sa kanyang pamilya at natustusan ang sarili niyang mga pangangailangan. Subalit, iba pa rin para sa kanya ang magkaroon ng diploma, kaya bumalik siya sa Devcom at sinikap magtrabaho bilang virtual assistant o VA. 

Kalaunan ay nilisan niya rin ang kaniyang trabaho at nagpasyang tapusin ang dalawang taon ng ASDC, kaya nanumbalik siya sa pag-aaral at tumakbo bilang CDC Student Council Chairperson noong 2024, habang aktibong nakikilahok sa mga organisasyon sa pamantasan, bitbit ang militante at makabayang diwa mula sa kanyang pagkatuto sa loob at labas ng silid-aralan.

Paghubog at paghabi sa Sablay

Bakas sa magagaspang na mga daliri ang hirap sa paglusot ng sinulid sa napakakitid na karayom. Para sa mga magtatapos, ang telang buhat ng kanilang karanasan ay dugtong-dugtong nilang hinabi tungo sa paghubog ng kahusayan, karunungan, at katapangan. 

Masakit ang tusok ng karayom na dugo’t pawis ang siyang yakap, ngunit hindi magiging pula ang paninindigan ng mga mag-aaral sa CDC kung hindi sila nakibaka sa sunod-sunod na kirot.

“Ang ASDC ay isang degree talaga na kung saan matututo ka kung paano maging isang development communicator na mayroong puso para sa komunidad. Magiging daan ito para mas lumawak ang pagtingin sa iba’t ibang social issues, [matututuhan] paano makipagsalamuha sa mga tao at kung paano mas maintindihan [ang] kanilang mga kalagayan, ” panayam ni Abigail. 

Para naman kay Ysahbel, “Nakakatuwa kasi looking back ay marami na pala akong nagawa na hindi ko naasahan na magagawa ko pala. Isa na doon ay ang pagiging active volunteer sa events and media work. Since the start of college talaga, [ay] I made it a point to really challenge myself by putting myself out there.”

Samantala, sa panayam ni Gean ay naisentro ang ASDC bilang programang humuhubog sa tao, ngunit disiplinang kailangan din ng paghubog sa kurikulo at implementasyon. 

“Talagang additional opportunity para tahakin itong landas ng Devcom work. But at the same time, while we recognize that this is an additional opportunity, we must also recognize that this is a band-aid solution to the persevering illness of our society na talagang hindi pa rin talaga sapat yung pondo sa education,” aniya. 

Dagdag pa niya, “bitbitin natin hindi lang yung personal nating pangarap, pero yung pinakaesensya ng Devcom, na pangarap ng bawat komunidad, na pangarap natin para sa pag-unlad.”

Hindi lang para sa balikat  ang Sablay

Iba-ibang paraan hinahabi ng bawat iskolar ng bayan kung paano nila makakamit ang kanilang Sablay. May nag-LOA tulad ni Gean at may nasisingko rin tulad ni Rei. 

Ngunit, tulad nina Abigail, Gean, Rei, Ysa, at ng iba pang mga ASDC students, matapos man nila ang dalawang taon at bunuin ang mga natitira pa, hindi lamang ito nagtatapos sa pag-Sablay.

Balak nilang ituloy ang kanilang pag-aaral sa BSDC, maglingkod sa bayan, at makapaglathala ng thesis na nagsusulong ng kani-kanilang adbokasiya para sa kanilang ipinaglalaban. 

Para sa karamihan, ang Sablay ay palamuti sa balikat, o ‘di kaya nama’y antas ng intelektwal na katuparan. 

Ngunit, hindi lamang para sa balikat hinabi ang Sablay. Buhay ito sa araw-araw na buhay—tumitingkad sa porma ng pakikibaka, pagpupursigi, at pag-aalay ng sarili alang-alang sa dangal. 

Iba-iba man sila ng mga istorya, iisa pa rin ang kanilang adhikain at patutunguhan; ang patuloy na walang sawang isabuhay ang totoong diwa ng pagiging iskolar ng bayan. ■

DISENYO NI CLARE MARPURI


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya