Sinag
Mabigat para sa akin na isulat ang piyesang ito tungkol sa naganap na pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban. Hindi ko kasi lubos maisip kung paanong ang paaralan na dapat sana’y pangalawang tahanan ng mga estudyante kung saan sila matututo at makikisalamuha sa iba ay naging isang lugar na puno ng takot.
Matapos mangyari ang insidente, karamihan sa mga komento ay mabilis na itinuro ang mga menor de edad na suspek bilang pangunahing may pananagutan sa kaso. Kung babatay nga naman sa kung sino ang gumawa ng krimen, walang duda na may pananagutan dito ang mga suspek, at marahil kahit saang anggulo tingnan ay dapat talaga silang managot.
Ngunit, kung uusisain ito sa isang mas malawak na lente, babalik ang pinakamabigat na pananagutan sa kung sino ang humubog sa kanila upang mapunta sa landas kung saan ang paggawa ng dahas ay nakikita bilang isang normal na gawi. Sa ganitong pagtimbang, malinaw na kailangang managot ng sistemang patuloy na nanganganak ng karahasan, nagpapabaya sa unti-unting paglaki ng pinsalang naidudulot nito, at tumatalikod sa mga isisilang pa lamang na bagong trahedya.
Sa totoo lang, lubos akong nabahala dahil ang edad ng mga suspek sa nangyaring pagbaril sa Tacloban ay 14 at 15 anyos lang. Sila ay kasing-edad lang ng aking nakababatang kapatid at mga pinsan, kaya maging ako ay napatanong din sa aking sarili kung nagagawa ko bang gampanan ang aking responsibilidad bilang nakatatanda na sila’y gabayan.
Kapag kasi bata ang nagkasala, kailangan nating mapagtantong repleksyon ito ng paraan kung paano natin sila binigo.
Kaya naman kung susuriin ang ugat ng trahedyang ito, nangingibabaw ang konsepto ng sociocultural theory na binuo ni Lev Vygotsky, kung saan sinasabing ang pagkatuto at paghubog ng isang indibidwal ay may kinalaman sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga tao sa kanyang paligid. Kabilang rito ang kanyang interaksyon sa mga magulang, kaibigan, at tagapag-alaga, gayundin sa kulturang kinalakihan.
Kung titingnan sa pananaw ng nasabing teorya ang insidente, matutunton nating hindi maaaring ikulong sa iisang salik ang dahilan ng trahedya—sa halip, ito ay nakakabit sa sala-salabat na pagkukulang ng buong sistema.
Una, mahalagang ipunto na malaki ang responsibilidad ng tagapag-alaga sa paghubog ng isang bata. Maikakabit ang konseptong ito sa nangyaring sitwasyon kung saan ang isa sa mga suspek ay may koneksyon sa kanyang tiyahin na isang pulis. Nasabi rin sa nakaraang pagdinig sa Senado na iniidolo ng suspek ang propesyon ng kanyang tiyahin.
Ang mismong tiyahin na ito rin ang nagmamay-ari ng baril na ginamit ng suspek. Ipinaliwanag ng nasabing tiyahin na ninakaw ng suspek ang kanyang baril na nakatago sa isang plastic na locker sa loob ng kanyang sariling bahay.
Ang punto ko rito ay hindi mananakaw ang baril kung responsable ang pagkakatatago ng may-ari nito. Bilang nakatatanda at bilang isang pulis, responsibilidad niyang siguraduhing walang posibilidad na ma-access ng kahit sino ang kanyang armas—lalo na ng mga bata—dahil ang ganitong paglimot sa gampaning ito ay nagbubunga sa mga trahedyang kagaya ng nangyari sa Tacloban.
Bukod sa interaksyon sa magulang at tagapag-alaga, maiuugnay din ang dahilan ng pag-usbong ng trahedyang ito sa kulturang humuhubog sa pag-unawa at paniniwala ng isang indibidwal. Mayroong umiiral na kultura ng karahasan at impunidad sa ating bansa, at walang pinipiling lugar ang dahas sa ganitong paggana. Makikita ito sa loob ng bahay, sa mga lansangan, sa mga liblib na probinsya, at katulad ng pinatunayan ng nangyaring trahedya, maging sa mga paaralan.
Kapag usaping karahasan, hindi mawawala ang konsepto ng baril bilang armas na ginagamit upang magdulot ng dahas. Hindi na ito bago sa atin, sapagkat noon pa man ay lumalaganap na ang gun culture sa Pilipinas. Lalong lumaganap ang kulturang ito sa nakaraang rehimeng Duterte, kung saan laganap ang pagpatay at lumawak ang paniniwalang ang baril ay isang simbolo ng walang habas na kapangyarihan, impluwensya, at kontrol.
Ang kaibahan lamang ngayon ay mga kabataan na ang kumakatawan ng kulturang ito. Katulad na lang sa kasong ito, baril din ang mismong armas na ginamit ng mga suspek na nagdulot ng matinding takot at pinsala sa mga biktima. Kapag kasi paulit-ulit na ipinapakita ng estado na karahasan ang primaryang solusyon sa mga problema, madaling malululong ang mga kabataan sa kaisipang normal at katanggap-tanggap ang paggamit nito.
Ngunit ‘di rin sa kultura ng baril tumitigil ang diskurso tungkol sa paglaganap ng dahas. Kahingian din sa ating siyasatin, kwestyunin, at tunggaliin ang mga solusyong inihahain ng estado bilang tugon sa nangyari sa Tacloban. Isa kasi sa kanilang ipineprenteng layunin ang pagpapaigting sa seguridad sa mga paaralan sa bisa ng mas mahigpit na pagmamatyag at posibleng militarisasyon.
Sa ganitong atrasadong pamamaraan, tiyak na mas lalo lamang lolobo ang kultura ng karahasan at pagtatanim ng takot sa kabataan kasabay ng paglimot sa pagresolba sa totoong ugat ng isyu ng karahasan—ang kahirapan, kawalan ng sapat na hanapbuhay, kasalatan sa mga batayang serbisyo, at krisis sa edukasyon.
Ipinapagpaliban ng kanilang tugon ang pagresolba sa mga isyung higit na mas mabigat at mas lapat sa nangyaring insidente. Kabilang dito ang sistematikong kabiguan ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga batas tulad ng Juvenile Justice and Welfare Act na halos dalawang dekada na simula nang maipasa ngunit nananatiling salat sa kalidad at mga rekurso.
Ayon sa Juvenile Justice and Welfare System, mayroong 118 bahay pag-asa sa Pilipinas, ngunit 28% lamang nito ang accredited. Nangangahulugan itong mababa pa sa kalahati ng nasabing mga pasilidad ang nakasusunod sa child protection policies. Kulang din ang pondong inilalaan ng pamahalaan, na nagreresulta ng kasalatan sa social workers, psychologists, at maging sa kapasidad ng bawat Local Government Unit (LGU) para isagawa implementasyon.
Bagaman may umiiral na batas, kulang na kulang ang implementasyon nito upang masigurong mapoprotektahan at maitutuwid ang landas ng mga menor de edad na nagiging sangkot sa iba’t ibang krimen.
Kung ganito ang kulturang kinagisnan ng ating lipunan, hindi nakapagtatakang ito rin ang kulturang humubog sa kasalukuyang henerasyon. Hangga’t mapagparusang tugon ang inuuna ng estado kaysa harapin ang mga ugat ng karahasan, walang magbabago sa hinaharap.
Kung mapapansin din ay sunod-sunod na ang mga nababalitaan pang insidente ng karahasan sa loob ng iba’t ibang paaralan matapos ang Tacloban shooting. Repleksyon lamang ito sa kung paanong hindi pa rin maayos-ayos ang sistema, at umabot na ito sa puntong mas nauuna pang isilang ang mga bagong karahasan kaysa magbigay ang institusyon ng solusyon upang labanan ito.
Sa mahabang pagtutunton sa totoong ugat ng mga trahedyang ito, para sa akin ay wala nang ibang hatol sa naunang tanong: ang may tangan ng pinakamabigat na pananagutan ay ang sistemang patuloy na nag-iimbita ng karahasan at nagsasawalang-bahala sa pinsalang idinudulot nito.
Sa ganitong pagtingin, malinaw kung ano ang kahingian sa atin. Kahingian sa atin bilang isang komunidad na buwagin ang dahas na nakakabit sa ating kultura at kolektibong bumuo ng isang sistemang malaya sa takot, hindi salat sa karapatan ng mga mamamayan, at nagpoprotekta sa kapakanan ng bawat isa.
Ating tandaan na sa ganitong sitwasyon, bagama’t ang mga suspek ang pangunahing may-sala, dapat din itong tingnan sa isang mas malawak at holistikong lente—’pagkat sa ganitong lente lamang natin mauunawaang ang primaryang may pananagutan ay ang buong sistemang nagkulang sa paggabay sa kabataan.
Ang pinakamabigat na pananagutan ay hindi lamang nasa kamay ng mga batang nagkasala kundi nasa sistemang matagal nang pumapayag na lumaki silang walang sapat na paggabay at pagkalinga. Hangga’t nananalaytay ang ganitong sistema, hindi ang Tacloban ang huling trahedyang magiging paksa ng ating dalamhati at pagluluksa. ■
DISENYO NI CLARE MARPURI


