Kung Saan Higit Kinakailangan


Paano nga ba natin masasabing hindi magkalayo ang usaping impeachment sa komunikasyong pangkaunlaran? Sa unang tingin, tila malinaw kung ano ang sagot. Isang halal na opisyal, ang bise presidente ng bansa na si Sara Duterte, ang inaakusahan ng mabibigat na krimen na lumalabag sa Saligang Batas at higit sa lahat, sa tiwala ng publiko. Ang Senado naman ang magsisilbing hukuman upang timbangin ang mga ebidensya laban sa kanya. 

Ngunit habang pinapanood ko ang unang linggo ng impeachment trial laban sa ikalawang pangulo, lalo kong napagtantong hindi lamang isang tao ang nasa gitna ng paglilitis. Ang mismong paraan ng pag-unawa natin sa pananagutan, kapangyarihan, at komunikasyon ay sinusubok din sa bawat araw ng pagdinig.

Uunahan ko na: hindi ako magpapanggap na dalubhasa ako sa usaping legal. Ang magiging lente ko sa komentaryong ito ay ang lenteng natutuhan ko mismo sa kursong aking inaaral: komunikasyong pangkaunlaran. Naniniwala akong ang tunay na pag-unlad ay nakasalalay sa katatagan ng mga institusyon, sa malayang daloy ng impormasyon, at sa kakayahan ng mga mamamayang lumahok sa mga makabuluhang diskurso. 

Sa ganitong pagtingin, ang impeachment, bukod sa politikal na usapin, ay isa ring kritikal na proseso ng komunikasyon kung saan ang estado ay inoobligang maging tapat sa taumbayan ukol sa paggamit ng kapangyarihan at pampublikong pondo. 

Sa nagdaang tatlong araw ay tila nagbagong-anyo ang Senado. Mula sa pulang toga ng mga senador hanggang sa sunod-sunod na paggamit ng mga teknikal na termino, mistulang naging Korte Suprema ang bulwagan. Ngunit kailangan nating tandaang ang impeachment ay hindi ordinaryong kasong kriminal o sibil; ito ay isang sui generis (of its own kind; both legal and political in nature) na proseso. Isang konstitusyonal na mekanismong nakadisenyo upang panagutin ang pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan. Ibig sabihin, nagmumula ito sa masa, at ang pangunahing tanong nito ay hindi kung dapat bang makulong ang isang opisyal, kundi kung karapat-dapat pa ba siyang manatili sa pwesto habang tangan ang tiwala ng sambayanan.

Kapag manatili ang impeachment trial sa napakateknikal na bihis nito, unti-unti nitong ilalayo ang publiko sa isang prosesong sila mismo ang dapat nagmamay-ari. Hindi naman ako tutol sa mabusising paglalatag ng mga ebidensya, ngunit kung ang isang demokratikong proseso ay nagiging napakahirap unawain para sa mismong mga mamamayang pinaglilingkuran nito, magkakaroon ng mabigat na problema sa paraan ng ating komunikasyon. 

Patunay agad sa panganib ng kasalukuyang itsura ng impeachment ang mabilis na paghahain ng mga maka-Duterteng grupo ng manipestasyon sa Korte Suprema upang subukang ipatigil ang paglilitis sa Senado dahil sa isyu ng pagkakatalaga kay Chiz Escudero bilang presiding officer. Wala namang ibang termino para sa maniobrang ito kundi isang estratehikong istorbo. Bago pa man magsimula ang paglilitis, nagkaroon na ng mainit na debate ang ilang senador kung konstitusyonal ba ang paghalal ng isang presiding officer

Pasok din dito ang naging desisyon ng impeachment court na panatilihin ang 16 na boto bilang rekisitong bilang upang ma-convict ang bise presidente, sa kabila ng reyalidad na may ilang non-functional na mga senador kagaya nina dela Rosa, Estrada, at Marcoleta.   Ang ganitong paggigiit sa matematika ng isang “buong’ Senado—sa halip na pagbatay sa aktwal na bilang ng mga gumaganap na mambabatas—ay isa ring estratehikong harang. Nagpapadala ito ng maling mensahe sa publiko: na ang mga institusyonal na patakaran ay madaling gamitin upang protektahan ang nasa kapangyarihan kaysa mapadali ang pagkamit ng katarungan. 

Sa madaling sabi, teknikalidad agad ang bumungad sa mga mamamayang naghahangad ng katotohanan. 

Hindi dapat kailangang maging abogado ng isang Pilipino upang maunawaan kung paano pinapanagot ang kanyang mga pinuno. Sa oras na maging eksklusibong lengguwahe ng mga eksperto ang impeachment, nawawala rin ang demokratikong diwa nito. Hindi lamang nito inilalayo ang proseso sa publiko—unti-unti rin nitong inaalisan ng kapangyarihan ang mismong mga mamamayang dapat sana’y nakikilahok dito.

Marahil ang napakateknikal na katangiang ito rin ang rason kung bakit mabilis na nahulog ang pampublikong diskurso sa pagiging parang kompetisyon ng dalawang kampo, na tila ba isang laro ng basketball. Sa social media, mas mabilis pang kumalat ang memes kaysa sa mismong articles of impeachment, at mas marami ang nagbibilang kung ga’no karami na ang objections ng kada panig o kung sino ang lamang sa argumento, kaysa sa tunay na sumusuri sa mga ebidensyang inilalatag. 

Hindi dapat natin hayaang umikot ang isang demokratikong lipunan sa pinakamaingay na mga boses kundi sa pinakamabigat na mga argumento. Paano magkakaroon ng makabuluhang diskurso kung ang impeachment ay nagiging koleksyon lamang ng mga viral clip, soundbite, at edit ng mga troll farm?

Bilang mag-aaral ng komunikasyong pangkaunlaran, ito marahil ang isa sa pinakamahalagang obserbasyon ko ngayong linggo. Ang pinakamalaking banta sa demokrasya ay hindi lamang disimpormasyon kundi ang pagkawala ng kakayahan ng publiko na sama-samang magnilay sa mga ebidensya. Kapag ang bawat usapin ay nagiging simpleng content para sa algorithm, nawawala ang deliberasyon—at kapag nawawala ang deliberasyon, nawawala rin ang demokratikong pagdedesisyon.

Mas lumala lang ang sitwasyon na ito sa naging pagsusuri sa kauna-unahang testigo ng prosekusyon sa paglilitis. Tila nagmukha kasi itong walang saysay para sa isang ordinaryong mamamayan sapagkat ilang oras ang iginugol sa pagdinig upang patunayan sa legal na paraan na talagang totoo ang video ng bise presidente kung saan binanggit niya ang pagbabanta laban sa pamilya ng pangulo. Palagay ko ay sablay ito gayong ang buong sambayanan naman ay matagal nang napanood ang naturang video. 

Ang ganitong uri ng legalistikong palabas ay nagpapakita ng malaking agwat sa pagitan ng teknikal na pamantayan sa korte at ng makabuluhang komunikasyon sa masa—habang abala ang mga eksperto sa pormalidad, ang publiko naman ay unti-unting nawawalan ng interes sa isang prosesong sila lamang ang may-ari. Umabot pa nga sa puntong ang debate ay nakasentro sa kung legal bang mag-photocopy ng pera  dahil lamang iginiit ng prosekusyon sa paglilitis na admissible na ang photocopy bilang ebidensya.

Nakagugulat ding bago pa man talakayin ang mismong alegasyon ng grave threats, ang lenggwaheng ginamit ni Duterte ay nagsisilbi na agad na paunang paglalarawan ng kasong kanyang kinahaharap. Muli kasing umalingawngaw ang kanyang pahayag tungkol sa isang bloodbath” at “bludgeoning,” na halatang hiram mula sa tulang “Invictus” ni  William Ernest Henley. 

Hindi ko sinasabing ang paggamit niya ng ganitong lengguwahe ay awtomatikong nagpapatunay sa kanyang legal na pananagutan, ngunit mahirap balewalain ang simbolismo nito. Habang dinidinig ng Senado ang kasong grave threats laban sa kanya, patuloy namang lumalabas sa kanyang pananalita ang mga salitang nakaugat sa pagbabanta at karahasan.

Ang paulit-ulit na paggamit ng marahas na metapora sa pampublikong diskurso ay ‘di katanggap-tanggap sa isang lipunang dapat ay lumalayo na sa kultura ng karahasan at impunidad. Kapag ang mga lider natin mismo ang gumagamit ng wikang nakasandig sa pagbabanta at karahasan, hindi kataka-takang nagiging bahagi rin ito ng ating kulturang pampulitika.

Kapansin-pansin din nitong unang linggo ng paglilitis ang argumento ng depensa hinggil sa anila’y “systematic repression” ng Kamara laban kay Duterte. Kung susundin kasi ang lohika nila, tila ipinahihiwatig ng depensa na ang matinding panggigipit ay maaaring magsilbing konteksto upang maunawaan ang mararahas na pahayag ng bise presidente. Ngunit kung may nagagawa man ang argumentong ito, ‘yun ay ang paglalantad lang ng isang malaking kabalintunaan.

Kung naniniwala kasi si Duterte na hindi dapat nananalaytay ang panunupil sa ating bansa, ano ang mukhang maihaharap niya sa libu-libong aktibista, mamamahayag, manggagawa, katutubo, magsasaka, at progresibong organisasyong dumaan sa tunay na red-tagging, arbitraryong pag-aresto, torture, at extrajudicial killings noong administrasyon ng kanyang ama? Ano ang mga salitang kaya niyang sabihin sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa madugong war on drugs?

Mas tumitingkad ang kabalintunaang ito sa naging pahayag ng depensa sa pagtatapos ng ikatlong araw ng paglilitis. Iginiit kasi nilang totoo ngang gumamit ng mga pagbabanta si Duterte, ngunit ang katwiran nila ay nangyari raw ito sa kontekstong nasa panganib din ang buhay ng ikalawang pangulo. Ang ganitong retorika ay isang malaking pagbaluktot sa pampublikong moralidad—ipinahihiwatig nito na ang marahas na pagbabanta at ang paglabag sa batas ay nagiging katanggap-tanggap na tugon basta’t ang isang makapangyarihang pinuno ay umaaktong nasa panganib. 

Kung may pamilyang may mahabang kasaysayan ng paggamit ng dahas, hindi maikakailang sila itong Duterte. Hinding-hindi natin maaaring tanggapin ang biglaang pag-aangkin nila ngayon sa lengguwahe ng api sapagkat sila mismo ang may mahalagang papel sa paglikha ng kultura ng pang-aapi.

Hindi rin nakatulong na sa ilang pagkakataon ay tila nalulusaw ang manipis na guhit sa pagitan ng pagiging hukom at pagiging abogado ng ilang mga senador kagaya ng magkapatid na Cayetano. Bahagi ng due process ang masusing pagtatanong ng mga senador, ngunit iba ang masusing pagtatanong sa tila pag-aako ng mga argumento ng depensa bilang sarili nilang argumento. Kapag nagmumukhang extension ng defense panel ang ilang senador, hindi lamang nila inilalagay sa alanganin ang kanilang pagiging patas—pinahihina rin nila ang tiwala ng publiko sa mismong institusyong kanilang kinakatawan.

Kasabay ng lahat ng ito, nais ko ring maging malinaw sa isa pang mahalagang bagay: ang pagsuporta ko sa impeachment laban kay Duterte ay hindi nangangahulugang nagtitiwala ako sa administrasyong Marcos. Dapat maging klaro sa ating lahat na ang impeachment ay nagaganap bunsod ng tunggalian ng dalawang makapangyarihan at marahas na dinastiyang pampulitika. 

Ngunit kahit pa may malinaw na motibong pampulitika ang administrasyong Marcos sa pagtutulak ng paglilitis, hindi nito awtomatikong pinapawalang-bisa ang pangangailangang panagutin si Duterte. Sa kabilang banda, hindi rin dapat maging dahilan ang pananagutan ni Duterte upang maabswelto si Marcos. 

Ang mga alegasyon ng korapsyon, paggamit ng confidential funds, at iba pang usaping may kinalaman sa pananagutan ng kasalukuyang administrasyon ay nananatiling buhay na usapin. Hindi dapat maging selective ang ating panawagan para sa hustisya; kung tunay tayong naniniwala sa pananagutan, dapat itong umabot sa lahat ng nasa poder—hindi lamang sa mga natalo sa kasalukuyang tunggalian.

Sa madaling sabi: Lahat ng sangkot, dapat managot. Marcos singilin, Duterte panagutin. 

Sa huli, isang mahalagang aral ang paulit-ulit na ibinubulong sa atin ng kasaysayan ng impeachment sa Pilipinas: ang prosesong ito ay hindi pag-aari ng mga politiko, ng mga dinastiya, o kahit ng mga dalubhasa sa legalismo. Ito ay mekanismong nilikha ng Konstitusyon upang ipaalalang ang kapangyarihan ay hiram lamang sa masa—ito ay may hangganan at ang bawat opisyal, gaano man kataas ang kanyang posisyon, ay nananatiling may pananagutan sa sambayanan. 

Sa pagtatapos ng lahat ng deliberasyong magaganap, maaaring Senado ang magbaba ng opisyal na hatol, ngunit walang makatutunggali sa reyalidad na ang tunay na hukuman ay mananatiling nasa labas ng bulwagan—sa sambayanang patuloy na nagmamasid, nagtatanong, at sa huli, nagbibigay ng hatol. 

Maaaring magkaroon ng legal na desisyon ang Senado, ngunit ang hatol ay laging manggagaling sa taumbayan. Hindi natin tungkuling pumili lamang ng panig; tungkulin nating bantayan ang proseso, timbangin ang ebidensya, at tiyaking ang pananagutan ay hindi nagiging sandata lamang ng mga naghaharing dinastiya laban sa isa’t isa. Sapagkat sa sandaling maging palabas lamang ang impeachment para sa ating lahat, mawawala ang tunay nitong layunin bilang demokratikong mekanismo ng pananagutan. ■

DISENYO NI CJ PINE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya