Nagtapos na ang unang taon ko sa Unibersidad.
Tumuntong ako sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños na binabalot ng pangamba matapos kong piliin ang “dream school” kaysa sa “dream course.” Bago ko pa man tahakin ang kursong BS Development Communication, marami na agad ang tumaliwas sa naging pasya ko. May mga nagsabing sayang ang husay ko sa math at science, sayang ang pagkuha ko ng STEM strand noong hayskul, at higit sa lahat, wala raw perang mapupulot dito.
Sa katunayan, ako mismo ay walang malinaw na ideya tungkol sa Devcom nang matanggap ko ang resulta ng UPCAT. Dumaan ako sa paulit-ulit na pangangalap ng impormasyon, ngunit nanatiling malabo sa akin ang tatahakin ko.
Gayunpaman, may isang bagay akong pinanghawakan: hindi ako inilagay rito nang walang kadahilanan. Hindi ko man agad maunawaan kung bakit, pero pinili kong maniwala na may saysay ang bawat hamon na ibabato sa akin ng pamantasan at ng Devcom.
Ilang linggo pa lamang ang lumipas noon, ramdam ko na agad ang bigat ng responsibilidad. Sa bawat exam at exercise, tila palaging may pangangailangan na magpursigi upang hindi bumagsak at ma-delay.
Sa paglipas ng semestre, napagtanto kong hindi pala ang pamantasan ang pinakamabigat kong kalaban—kundi ang aking sarili. Unti-unti ko itong nakasanayang pasanin kahit hindi naman kailanman ginusto. Hindi dahil nais kong sabayan ang kakayahan ng iba, kundi dahil natatakot akong mabigo ang mga taong walang humpay na naniniwala. Ngunit, nakapapagod dalhin ang bigat ng mga responsibilidad, lalo na kapag pati ang sarili ay hindi na rin minsang mapaniwalaan.
Sa unang semestre ko, minsan ko lamang tunay na naramdaman na magaling ako, at dumating pa iyon sa panahong patapos na ito. Sa DEVC 11 Exercise 1B, nagbigay ang propesor ko ng mga komento sa mga kailangang ayusin sa outputs ng klase. Sa parteng ito, nangalap kami ng mga dokumento mula sa iba’t ibang sanggunian bilang pagpapatibay sa napili naming paksa. Noong una, nagtataka ako kung bakit mayroon na ang lahat ng mga kaibigan ko, habang ako ay wala. Kinabahan ako at inisip na baka nakaligtaan ako o hindi ko naipasa ang gawa ko. Kalauna’y nalaman ko na wala pala talagang kailangang ayusin sa isinumite ko at nang makita ko ang marka, 99.001% ang nakuha ko.
Sa simpleng numero, may bahagi ng sariling puno ng pagdududa ang unti-unting natahimik. Sa unang pagkakataon, napatunayan kong kaya ko rin pala. Sa mga panahong paulit-ulit kong kinuwestiyon ang sarili kong kakayahan, doon ko rin unang naramdaman na baka may lugar nga ako rito. Isa itong patunay na kahit ilang beses kong alinlanganin ang sarili, bigla-bigla na lamang sumasabay ang kakayahan ko sa mga pangarap na pilit kong inaabot.
Ngunit higit na mabigat ang sumalubong sa ikalawang semestre. Dito ko naranasan ang tunay na pagkapagod. Ang pagod na hindi na kayang pahupain ng tulog o pahinga. Dito ako tuluyang umiyak, nanghina, at napilitang magsakripisyo para lamang makaraos. Kasabay pa nito ang DEVC series na madalas ilarawan ng iba bilang “napakahirap” at “nakababaliw.”
Tila naging kulang din ang dalawampu’t apat na oras sa isang araw sa dami ng kailangang tapusin: linggo-linggong exams, sandamakmak na exercises, at sunod-sunod na requirements. May mga gabing gusto na lamang sumuko at mga araw na pakiramdam ko ay unti-unti na akong nilalamon ng pagod. Sa kabila ng lahat, hindi ko namalayang natapos ko rin pala ang mga panahong akala ko ay hindi ko malalampasan.
Nagtapos na rin ang unang taon ko sa pamantasan—isang taon ng paggapang para lamang manatiling nakatayo, isang taon ng walang tigil na pakikipaglaban sa sariling takot at pagdududa upang makabangon.
Sa kabila nito, ipinagpapasalamat ko pa ring tinanggap ko ang hamon ng pamantasan at ng Devcom. Sa kursong ito, hindi lamang talino ang nahubog kundi maging pagkatao at paninindigan ko. Dito ko mas malinaw na nakita ang kalagayan ng lipunan at ang katotohanang hindi sapat na matuto lamang para sa sarili, bagkus kailangan ding matutong umunawa para sa kinasasaklawan natin.
Dagdag pa rito ang pagsali ko sa Tanglaw upang maghatid ng balita mula sa mga batayang sektor ng lipunan. Sa mga panayam at karanasang nasaksihan ko, mas natutuhan kong tingnan ang mga suliranin ng lipunan sa lente ng mga taong nasa lansangan—mga taong araw-araw na lumalaban at naninindigan upang mabuhay at matamasa ang karapatan na ipinagkakait sa kanila.
Habang inuunawa ko ang kanilang mga kuwento, mas lalo ko ring nauunawaan ang sarili ko. Sa unti-unting paglaho ng takot at pagdududa, unti-unti ko ring napagtatanto na tamang lugar at daan ang tinatahak ko ngayon, kung saan mas lalo pang napaigting ang sariling paniniwala at lakas ng loob ko.
Ang unang taon ko sa Unibersidad ay hindi lamang naging taon ng takot at pagdududa, kundi taon din ng matinding paggapang at pagbangon. Marahil, iyon ang pinakamahalagang aral na iniwan sa akin sa unang taon ko sa pamantasan.
Tunay ngang makapangyarihan ang sumubok sa mga bagay kahit pa hindi tayo sigurado sa kahihinatnan, anuman ang sasabihin ng iba. Sapagkat minsan, sa gitna ng pag-aalinlangan, doon matatagpuan ang bersyon ng sariling matagal nang naghihintay na mapatunayan na kaya pala nating lumaban at manindigan. ■
Si Airon Villanueva ay isang mag-aaral ng BS Development Communication at kasalukuyang apprentice ng Tanglaw para sa balita. Matindi niyang ipinagpapanawagan ang malayang pamamahayag tungo sa katagumpayan ng makabuluhan, mapanuri, at makamasang pagbabalita.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


