Ang Mamumukot
Lumaki ako sa probinsya, kung saan hindi naman uso ang konsepto ng Pride. Hindi rin pamilyar ang maraming taga-sa’min na Pride Month pala ang Hunyo. Wala ring masyadong dayalogo tungkol sa SOGIESC at queer rights. Ngunit ganito man ang kalagayan, hindi ito nangangahulugan na walang bakla sa probinsya.
Sa katunayan, narito sila sa mga bukid, na aktibong nagtatanim ng mga gulay bilang kabuhayan; sa tabing dagat, habang nagtatampisaw at nag-aabang ng masaganang huli; sa mga paaralan, kung saan sila nagsusumikap na makasabay sa daloy ng lipunan.
Matatagpuan din sila sa mga opisina, na humaharap sa sandamakmak na trabaho sa araw-araw; sa mga pagawaan, kung saan sila’y pinagsasamantalahan; at sa mga lansangan kung saan sila nag-iipon ng lakas upang lumaban.
Ang mga bakla’y matatagpuan kahit saan. ‘Yun nga lang, habang ang iba ay lantad na nakikibaka, mayroon pa ring mga miyembro ng komunidad na tahimik lamang na umiiral sa mga espasyong hindi pa handa upang ganap silang kilalanin.
Nang mabigyan ako ng pagkakataon na lumabas sa aking pinagmulan, doon ko lamang lubusang nakita na ibang-iba pala ang Pride sa unang pagkakakilala ko rito. Hindi lang pala ito isang makulay na pagdiriwang na palagi kong nakikita sa social media. Isa rin pala itong pakikibaka—na sa kabila ng maraming tagumpay ay nananatiling may mga limitasyon at kontradiksyon.
Maraming tagumpay na ang nakamit ng ating komunidad. Sa pamamagitan ng ating kolektibong pakikibaka, nakapagbubukas na tayo ng mga makabuluhang diskurso at nakabubuo ng mga ligtas na espasyo para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, kasama na rin ang mga indibidwal na sumusuporta sa ating laban.
Unti-unti na nating nahuhubog ang Pride tungo sa mas maalab na pampulitikang pagkilos bilang pagkilala sa pinag-ugatan nito. Ngunit dapat din nating pagnilayan kung ano nga bang direksyon ang dapat na tahakin ng kasalukuyang porma ng Pride na ating ginugunita.
Tuwing Pride March, ladlad na ladlad ang presensya ng mga middle-class, urban, at relatibong komportableng queer sa mga parada at pagdiriwang na isinasagawa sa mga pangunahing lungsod na katulad ng Quezon City, Cebu, at Davao. Minorya lamang sa martsa ang mga bading na manggagawa, magsasaka, mangingisda, at iba pang indibidwal na, bukod sa pagiging bakla, ay bahagi rin ng mga batayang sektor ng lipunan na madalas na naiiwan sa laylayan.
Malalim ang mga rason kung bakit hindi sila ang kalakhan sa hanay. Maraming pwersa ang humahadlang sa iba pang mga bakla upang aktibong makilahok sa mga aktibidad na dapat sana’y para rin sa kanila.
Wala kasi silang ibang pagpipilian kundi magtrabaho sa mga pagawaan buong araw upang kumita ng pera at mairaos ang araw-araw. Wala rin silang kakayahan na tumungo sa malalaking lungsod upang makihanay gayong kumakalam naman ang kanilang mga sikmura.
Ang totoo kasi, lagpas pa sa pagkakaiba ng personal na kalagayan, ang limitasyong humaharang sa mga pangkaraniwang tao na aktibong makilahok sa mga kampanya ay nakaugat sa mas malalim na pagkakahati ng lipunan batay sa uri.
Malinaw na ang usapin sa uri ay hindi nakakahon sa usapin ng identidad na maaaring tanggalin o idagdag sa listahan ng mga kinakatawang sektor. Ito ay tumutukoy sa mas malalim na relasyong nakaugat sa produksyon, pagmamay-ari, at kapangyarihan.
Hindi magkapareho ang posisyon sa lipunan ng isang queer na kapitalista at isang queer na manggagawa. Hindi rin magkapareho ang posisyon ng isang queer na panginoong maylupa at isang queer na magsasaka.
Bagama’t maaari silang kapwa makaranas ng diskriminasyon dahil sa kanilang kasarian o sekswalidad, hindi nila nararanasan ang pagsasamantala sa parehong paraan. Magkasalungat ang kanilang mga interes—ang tubo ng kapitalista ay nakasalalay sa paggawa ng manggagawa. Samakatuwid, malayong-malayo sa isa’t isa ang kanilang mga danas sapagkat ang kanilang relasyon ay hindi lamang pagkakaiba kundi kontradiksyon.
Hindi mo masasabing pantay at malaya ang Pride kung may mga sektor sa loob mismo ng komunidad na nakikinabang sa mga relasyong nagsasamantala sa iba. Habang may mga queer na manggagawa at maralita na nakikibaka para sa kabuhayan, mayroon ding mga queer na bahagi ng mga uring nakikinabang sa umiiral na kaayusan.
Isa ito sa mga rason kung bakit mahaba pa ang ating laban—dahil mismong ang mga miyembro ng ating komunidad ay nahahati sa mga uring may magkakasalungat na interes.
Litaw na litaw rin ang mga manipestasyong ito, hindi lamang sa usapin ng kung sino ang may kakayahang makilahok, kundi sa mukha ng Pride na ating nasisilayan taun-taon.
Kung saan malaki man ang ating mga napagtatagumpayayan sa usapin ng midya, politika, at iba pang institusyon, hayag na hayag din naman ang partisipasyon ng malalaking korporasyon na ginagamit ang diwa ng Pride para sa mga komersyal na interes.
Hungkag ang Pride branding ng malalaking kumpanya gayong pagkatapos ng mga parada, nananatili pa rin namang mababa ang sahod ng mga baklang manggagawa na patuloy na humaharap sa iba’t ibang uri ng pananamantala.
Nanganganib na tuluyan nang maging corporate carnival ang Pride—isang pagdiriwang na ligtas para sa mga korporasyon, politiko, at iba pang naghaharing-uri na may hawak ng mga makapangyarihang institusyon, na sinasamantala ang pagdiriwang sa pamamagitan ng rainbow capitalism. Sa halip na aktibong manghamon, nagiging instrumento ang dominanteng bersyon ng Pride para sa pagpapanatili sa kasalukuyang umiiral na sistema.
Sa ganitong kalagayan, mahalagang balikan natin ang mga radikal na ugat ng Pride. Hindi naman ito nagsimula bilang isang magarbong parada na binubuhay ng mga sponsor at celebrity. Patunay ang makasaysayang Stonewall Riots na isinilang ang Pride mula sa paglaban ng sangkabaklaan upang supilin ang panggigipit at karahasan ng estado.
Ang diwa ng Pride ay pakikibaka.
Sa kalagayang ito, nagiging malinaw na ang partisipasyon sa Pride ay hindi lamang usapin ng agarang paglaya sa tanikala ng diskriminasyon sa kasarian, sapagkat nakakabit din dito ang usapin ng kung sino-sino ba ang may hawak ng kapangyarihan.
Ang kakulangan ng mga simpleng baklang mamayang Pilipino sa oras, pera, seguridad sa trabaho, at akses sa mga serbisyong panlipunan ay hindi aksidente. Ito ay tuwirang bunga ng marahas na relasyong pang-uri na matagal nang nanlilimahid sa ating lipunan.
Hangga’t may uring nananamantala, palaging may uring pinagsasamantalahan. Hangga’t umiiral ang ganitong kaayusan, mananatiling hindi pantay ang kakayahan ng tao—queer man o hindi—na gamitin at ipaglaban ang kanyang karapatan.
Hindi ito nangangahulugang dapat nating isantabi ang mga partikular na karanasan ng mga miyembro ng komunidad. Sa halip, nangangahulugan itong kilalanin ang pang-aaping umiiral na nakaugnay sa mas malawak na estruktura ng kapangyarihan.
Ang laban para sa karapatang magmahal ay hindi hiwalay sa laban para sa disenteng trabaho. Ang laban para sa pagkilala ay hindi hiwalay sa laban para sa kabuhayan. Ang laban para sa dignidad ay hindi hiwalay sa laban para sa katarungang panlipunan.
Kaya ngayong Pride Month, ang tunay na tanong ay hindi kung paano maisasama ang lahat sa makukulay na parada. Ang mas mahalagang pagnilayan ay kung anong lipunan ang nais nating pandayin—lipunang hindi lamang nagtatanghal ng mga bahaghari, kundi lipunang bumabasag sa mismong mga tanikala ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at kailapan ng katarungan.
Sapagkat ang kalayaan at pagkakapantay-pantay ay hindi tumitigil sa pagtamasa sa karapatang makita at kilalanin. Ito rin ay ang pakikibaka para sa isang lipunang walang sinuman ang kailangang yumuko dahil sa kanilang kasarian, sekswalidad, o kalagayan sa lipunan.
Hangga’t may uring naghahari at uring inaapi, mananatiling limitado at hindi sukdulan ang anumang tagumpay na nakamit at makakamit ng Pride. Habang patuloy nating ipinagdiriwang ang ating mga tagumpay tungo sa pagkilala at karapatan, kahingian din sa ating kilalanin na hindi sapat ang mga ito upang hukayin at bunutin ang kondisyong patuloy na lumilikha ng pang-aapi at pananamantala.
At sa oras na mas manuot na sa ating isipan na ang paglaya ng ari ay hinding-hindi mahihiwalay sa paglaya ng uri, maging direksyon nawa ito sa bawat isa sa atin na patuloy na makibaka at lumaban—labas pa sa mga parada at mga kampanya sa buwan ng Hunyo, tungo sa mga lansangang lunsaran ng pakikibaka ng masang anakpawis. Patungong kalayaan. Patungong tagumpay. ■
DISENYO NI CJ PINE



