DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., panibagong mga pangako ang binitawan niya para sa nalalabing dalawang taon ng kaniyang termino— kabilang ang pagtugon sa katiwalian, krisis sa enerhiya, agrikultura, ekonomiya, edukasyon, at seguridad ng bansa.
  • Sinuri ng ulat ang mga pangako ng rehimeng Marcos Jr. noong ikaapat na SONA at ang kasalukuyang kalagayan ng iba’t ibang isyu sa bansa, tulad ng mga usapin sa flood control projects, korapsyon, presyo ng petrolyo at kuryente, suporta para sa mga magsasaka, manggagawa, at iba pang batayang sektor, estado ng edukasyon, at pambansang seguridad.
  • Sa bawat programa’t hakbang na inilahad ng pamahalaan, nananatiling sinusubaybayan ng mga mamamayang Pilipino ang pagpapatupad ng mga ito habang inilalahad ang kanilang mga pagsusuri at karanasan sa mga isyung kinahaharap ng bansa.

Sa nalalabing dalawang taon ng termino ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., panibagong mga pangako ang kaniyang binitawan sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa noong ika-27 ng Hulyo, habang nananatiling nakabinbin ang katuparan ng marami pa sa mga repormang inilatag niya noong nakaraang taon. 

Matatandaang sa ikaapat na SONA ng rehimeng Marcos Jr., inilahad nito ang iba’t ibang plano para sa mga sektor ng ekonomiya, agrikultura, edukasyon, enerhiya, at serbisyong panlipunan—mga pangakong muling tinalakay sa SONA ngayong taon.

Matapos mabalot ng mga palakpakan at mabubulaklak na pangako ang Batasan, maraming sumiyasat at bumungkal kung ang mga naunang pangako ng Pangulo ay nauwi nga ba sa mga kongkretong pagbabago.

Hinggil sa isyu ng flood control projects

“Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo, mga kapwa ko Pilipino.”

Ito ang mabulaklak na pahayag ni Pangulong Marcos Jr. bilang pagbubukas sa kaniyang ikalimang SONA. Kaniyang unang iniulat na naisagawa na umano ang ipinangakong masusing imbestigasyon ukol sa isyu ng flood control projects na nagresulta sa pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang mga kontratista, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ilan sa mga kasalukuyan at dating mambabatas. 

Binigyang-diin din ng Pangulo ang sariling pinsan nito na si dating house speaker at Leyte First District Congressman Martin Romualdez, na sa kaniyang talumpati, ay hindi man lamang mabanggit nang daretso sa kaniyang pangalan.

Noong ika-20 ng Hulyo, inihayag ng Office of the Ombudsman si Romualdez bilang “central figure” umano sa bilyon-bilyong pisong anomalya sa flood control scam.

“Dumating na tayo sa punto na, ayon sa [Office of the] Ombudsman, ay malapit na ang paghain ng patong-patong na kaso laban sa dating speaker [Martin Romualdez]…masakit man sa akin ito, pero kailangan nating gawin ang tama,” ani Marcos Jr.

Ayon kay Marcos Jr., “Gaya ng aking ipinangako sa inyo, nagsagawa tayo ng malawakan at malalimang imbestigasyon na walang pagkiling kahit kanino man. Masusi nating sinuri at sinundan kung saan tayo itinuro ng ebidensya. Lahat ng kailangang gawin ay ginawa natin upang matunton ang puno’t dulo.” 

Isang taon ang nakalipas matapos ang naturang imbestigasyon, hindi bababa sa 30 indibidwal ang nahaharap sa mga kaso, kabilang na rito ang 24 na opisyal ng DPWH at ilang mga kilalang mambabatas. 

Gayunpaman, ayon sa isang pagsusuri na inilabas ng Altermidya, hindi direktang binanggit ni Marcos Jr. ang pangalan ng mga personalidad na umano’y sangkot sa iba’t ibang porma ng korapsyon tulad nina dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, Senador Chiz Escudero, Senador Joel Villanueva, Bise Presidente Sara Duterte, Department of Justice (DOJ) Undersecretary Jojo Cadiz, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Taliwas sa maanghang nitong buwelta sa korapsyon noong nakaraang SONA, hindi umano nito nabanggit ang mga nasabing personalidad dahil sa umiiral umano na hidwaan at mga paksyon sa kasalukuyang klima ng politika sa ilalim ng administrasyon.

Kaugnay nito, sa rehiyon ng Timog Katagalugan, nananatiling pasanin ang matinding pagbaha sa ilang mga lugar, isa na sa mga kasong ito ang nararanasan ng mga mamamayan sa Bay, Laguna, na matatagpuan sa baybayin ng Laguna de Bay at isa sa mga lugar na paulit-ulit naaapektuhan ng pag-apaw ng lawa at pagbaha tuwing may bagyo. 

Mula 2022 hanggang 2025, mahigit 150 flood control projects ang inaprubahan para sa lalawigan ng Laguna ngunit patuloy na nakararanas ng mga pagbaha ang ilang bayan, kabilang ang Bay, na nagtutulak sa panawagang imbestigahan kung alin sa mga ito ang aktwal na naipatupad at naging epektibo.

Hinggil sa isyu sa sektor ng ekonomiya

Binigyan-diin din ng Pangulo ang idineklarang State of National Energy Emergency noong ika-24 ng Marso sa ilalim ng Executive Order (EO) 110 at iginiit na nakatuon ang administrasyon sa pagtitipid ng mga galamay ng gobyerno, pagpapalakas ng pangunahing serbisyong pampubliko, at pagpapatibay ng suporta sa mga lokal na pamahalaan.

Ipinatupad ang EO 110 bilang tugon umano sa mainit na tensyon sa Gitnang Silangan ngayong taon bunsod ng pagbabanta umano ng pagkagambala sa pandaigdigang suplay ng langis at patuloy na pagtaas ng presyo nito.

Sa kabila nito, ayon sa mga eksperto, ang tunay na sukatan ng deklarasyon ay nakabatay sa maagap, malinaw, at pangmatagalang pagsasakatuparan ng mga hakbang upang tiyakin ang seguridad sa enerhiya at ekonomiya.

Inihayag din ni Marcos Jr. na sa kabila ng pagsasara ng Strait of Hormuz, napanatili umano nito ang suplay ng enerhiya sa pamamagitan ng pag-angkat ng alternatibong suplay ng petrolyo, pakikipag-ugnayan sa mga bansang kasosyo, at pagpapatupad ng mga price rollback at ayuda sa sektor ng transportasyon upang mabawasan ang epekto ng krisis ng langis sa milyon-milyong Pilipino.

Gayunpaman, taliwas sa inilatag na naratibo ng Pangulo, kinuwestiyon ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang bisa ng mga hakbang at sinabing panandaliang tugon lamang ito upang masolusyonan ang krisis sa enerhiya habang nagpapatuloy na pasanin ng mga tsuper, operator, at pasahero ang epekto at kawalan ng kongkretong polisiya mula sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan, nakararanas ang mga Pilipino ng panibagong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, kung saan nagtakda ang mga kumpanya ng langis ng dagdag na P6.80 kada litro ng gasolina, P7.30 kada litro ng diesel, at P4.20 kada litro ng kerosene.

Dagdag pa rito, danas na danas ng pangkaraniwang Pilipino ang epekto ng pagbulusok paakyat ng presyo ng petrolyo, hindi lamang sa sektor ng transportasyon kundi pati na rin sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan.

Dahil dito, patuloy na iniinda ng mga ordinaryong mamamayan ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin habang ang sweldo ng mga manggagawa ay nananatiling mababa. 

Iba pang usaping bumabangga sa mga maralita

Kaugnay sa sektor ng transportasyon, matatandaang sapilitang pinalikas ang mga residente ng Zapote 3, Bacoor, Cavite noong ika-15 ng Nobyembre nang wala umanong kaukulang ‘Court Order for Demolition‘ or ‘Demolition Notice’ para sa proyektong pagpapatayo ng Light Rail Transit (LRT)-1 Cavite Extension

Taliwas ito sa pangako ng Pangulo sa mas maayos at maunlad na sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa nang walang nakokompromisong mamamayan. 

Sa gitna rin ng mga isyung ito, nananatili pa ring umaalma ang mga pangkaraniwang Pilipino sa hindi makatarungang sahod na bigong pantayan ang pagtaas ng inflation rate sa bansa.  

Matatandaang inaprubahan ang P85 na daily wage hike sa National Capital Region (NCR) noong ika-25 ng Hulyo at inaasahang makikinabang umano ang 1.1 milyong mamamayan ng rehiyon.

Sa kabila ng nararanasang dagdag-sahod sa rehiyon ng NCR, nananatiling walang wage hike sa mga probinsya habang patuloy umanong nakararanas ng mass layoff, pagkakaso, at union busting ang mga manggagawang nag-oorganisa at naninindigan upang ilaban ang makatarungang sahod at makataong kabuhayan sa paggawa.

Noong ika-6 ng Hulyo, mahigit 800 na manggagawa ng San Miguel Integrated Logistics Services, Inc. (SMILSI) sa Santa Rosa, Laguna ang tinanggalan ng trabaho nang wala umanong malinaw na kadahilanan.

Kaugnay nito, kinalampag ng mga manggagawa ng SMILSI ang pintuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong ika-28 ng Hulyo, bunsod ng hindi umano pagsipot ni Labor Secretary Francis Tolentino para sa isang dayalogo. 

Hinggil sa isyu ng pax silica

Sa kabilang banda, inilatag naman ni Marcos Jr. ang layunin ng administrasyon na palawakin ang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang ekonomiya habang isinusulong ng mga industriya ang artificial intelligence (AI), semiconductors, advanced manufacturing, pharmaceuticals, at logistics

Kabilang sa mga nabanggit ng Pangulo ay ang US-backed Pax Silica Industrial Hub, na inaasahang magiging sentro ng pagmamanupaktura at logistics na pinatatakbo ng AI sa ilalim ng Luzon Economic Corridor, at lilikha umano ng dekalidad na trabaho habang pinalalakas din ang kakayahan ng bansa sa mga modernong industriya.

Ngunit sa mata ng mga kritiko, taliwas umano ito sa ipinapangakong ‘kaunlaran,’ ang proyekto ay bahagi lamang ng mas malawak na estratehikong interes ng Estados Unidos. Maaari umano itong magdulot  ng higit na pagdepende ng bansa sa banyagang kapangyarihan, maghatid sa mga magsasaka at katutubo ng pangangamkam sa lupa at militarisasyon, at maminsala ng kalikasan sa ngalan ng ‘industriyalisasyon.”

Kaugnay nito, matatandaang sa SONA noong nakaraang taon ay inilahad ni Marcos Jr. ang iba’t ibang positibo umanong pangyayari sa ekonomiya ng bansa, tulad ng pagbaba ng inflation, pagdami ng oportunidad sa trabaho, kasabay ng pagkilalang walang saysay umano ang mga ito kung patuloy na nahaharap sa krisis ang mga Pilipino, dahilan upang mangakong palawakin ang imprastraktura at pamumuhunan sa mga sektor ng electronics, biotechnology, renewable energy, at iba pang aspeto ng industriya. 

Hinggil sa isyu sa sektor ng enerhiya

Sa sektor ng enerhiya, nanawagan si Marcos Jr. sa Kongreso na agarang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang systems loss at kaukulang value-added tax (VAT) na hindi makatarungan umanong pasan-pasan ng mga konsyumer bilang bahagi ng layuning mapababa ang paniningil sa kuryente.

Pahayag ng Presidente, “Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng systems loss. Kaya hindi naman tama na sila pa ang pagbabayarin dito.”

Gayunpaman, ayon sa pahayag ng Greenpeace Philippines, hindi sapat ang pag-amyenda sa EPIRA kung magpapatuloy ang pamahalaan na isulong ang nuclear energy at fossil gas, kasabay ng panawagang unahin ang solar at wind energy upang mapababa ang singil sa kuryente at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa pandaigdigang merkado ng enerhiya.

Isinulong din ni Marcos Jr. sa ikalimang SONA ang pagpapatayo ng mga hydrogen power plant at muling pagbubukas sa usapin ng nuclear energy na magpapalakas umano sa seguridad ng enerhiya at magpapababa sa gastos sa kuryente sa kasalukuyan.

Ngunit sa pahayag ng mga kritiko, nananatiling kuwestiyonable ang pagpapatupad ng mga ito sa bansa bilang tugon sa krisis sa enerhiya dahil nangangailangan ito ng malaking pondo, mahabang panahon ng pagpapatayo, at mahigpit na pamantayan sa kaligtasan, kasabay ng paninindigang mas pagtuunan na lamang ng pamahalaan ang sapat at malinis na renewable energy sa halip na mga teknolohiyang may dala-dala umanong panganib ng nuclear waste.

Hiling din ng Pangulo ang pag-apruba sa Sariling Kuryente Act, na naglalayong gawing mas mabilis at abot-kaya ang pagpapakabit ng solar panels at battery storage systems sa mga tahanan upang palawakin umano ang renewable energy sa bansa.

Nitong nagdaang Mayo, mahigit isang milyong mamamayan sa Luzon ang nakaranas ng rotational brownout na tumagal ng dalawa hanggang tatlong oras sa ilalim ng pagiging Red Alert sa Luzon grid bunsod ng kakulangan ng reserbang kuryente at paglaho ng mahigit 3,000 megawatts mula sa mga nagkaproblemang planta. 

Dagdag pa niya, inaasahang makukumpleto bago matapos ang nalalabing dalawang taon ng termino ang halos 200 proyektong pang-enerhiya at energy storage facilities na may kabuuang kapasidad na mahigit 10,000 megawatts.

Sa ikaapat na SONA ni Marcos Jr., nangako rin ito ng mas malawak na suplay ng kuryente sa pamamagitan ng pagtatayo ng mahigit 200 power plants, pagpapalawak ng renewable energy projects, at pagpapatuloy ng mga programang Lifeline Rates at Net Metering upang mapababa umano ang gastos ng mga konsyumer sa isyu ng kuryente. 

Ayon sa Department of Energy (DOE), naitala ng Pilipinas nitong Hunyo na may  pinakamataas na singil sa kuryente sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)—dulot ng kakulangan sa suplay, sunod-sunod na forced outage, at matinding demand sa panahon ng tag-init.

Dahil dito, naghain si Senador Erwin Tulfo ng Senate Resolution No. 535  na layong bumuo ng polisiyang pabor sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pag-i-imbestiga sa paulit-ulit na pagtaas ng singil sa kuryente, hindi malinaw na billing, at power interruptions.

Hinggil sa isyu ng sektor ng agrikultura

Noong nakaraang SONA , nangako rin si Marcos Jr. na ilalaan ang P113 bilyong badyet para sa sektor ng agrikultura upang patibayin ang mga programa at dagdagan ng suporta ang mga magsasaka at mangingisda. 

Ngayong ikalimang SONA, ipinagmalaki ng Presidente ang patuloy na suporta ng administrasyon sa mga magsasaka at mangingisda sa tulong ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF), gayundin ang pagbibigay ng kapital, makabagong kagamitan, pagsasanay, at ibang programang pangkabuhayan.

Inilatag din ni Marcos Jr. ang plano hinggil sa modernisasyon ng agrikultura, kabilang ang mga sistemang pang-irigasyon, 45 rice processing facilities, tatlong cold storage facilities, makinarya, at paggamit ng satellite technology, artificial intelligence (AI), at solar-powered irrigation upang mapataas umano ang produktibidad nito.

Gayunpaman, sa ulat na inilabas ng Punto! Central Luzon, labis na pagkadismaya ang naramdaman ng mga magsasaka sa lungsod ng Malolos, Bulacan matapos marinig ang ikalimang SONA ni Marcos Jr.

Iginiit ni Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa kanilang barangay, na wala umano silang natanggap na ayuda noong kasagsagan ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng giyera sa Gitnang Silangan. Sa halip, noong Pebrero pa ang huling ayuda na nakuha nila na may halagang mahigit dalawang libong piso lamang.

Dagdag pa ni Domingo, patuloy ang kanilang pagkalugi dahil sa doble-dobleng presyo ng abono, kawalan ng rice processing facility, at tuyong irigasyon mula sa Angat Dam.

Sa kabilang banda, iniulat naman ng Department of Agriculture–Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program CALABARZON na maraming bilang ng mga magsasaka sa lalawigan ng Laguna ang nakaranas ng pagkalugi matapos masira ang kanilang mga pananim dulot ng bagyo at peste, dahilan kung bakit kararampot lamang ang naibebentang ani—ang ilan pa ay napunta na lamang umano sa sariling konsumo.

Ayon naman kay Teodoro Mendoza, siyantista mula sa UPLB, patuloy na humihina ang prayoridad ng pamahalaan sa agrikultura dulot ng pagbaba ng bahagi ng sektor sa kabuuang pambansang badyet at ekonomiya, habang nananatiling kulang ang suporta sa marketing assistance, buffer stocks, at kooperatiba—mga salik na direktang naaapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Sa pahayag ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF), nananatiling ipinaglalaban ng mga magsasaka ang karapatan sa tunay na reporma sa lupa dahil wala pa ring mga titulo ang karamihan, kakulangan ng suporta sa produksyon, at patuloy na pagkalugmok sa utang at kahirapan, sa kabila ng halos apat na dekadang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Hinggil sa isyu ng sektor ng edukasyon

Sa sektor ng edukasyon, inihayag ni Marcos Jr. ang mga programa ng administrasyon hinggil sa learning recovery at student welfare gaya ng pagpapalakas ng feeding programs para sa 4.5 milyong estudyante, pag-de-deploy ng 10,000 School Counselor Associates, promosyon para sa mahigit 80,000 guro, at pagpapatayo ng 16,000 silid-aralan sa Luzon sa pamamagitan ng publiko at pribadong pakikipagalyansa. 

Sa pangako ng Pangulo noong nakaraang SONA, tangan ng sektor ng edukasyon ang kaparehong plano: pagpapadami ng silid-aralan, pagpapalawak ng learning recovery programs, at pagpapatibay ng early childhood education.

Ibinida rin ni Marcos Jr. ang pagdami ng mga pampublikong kolehiyo sa bansa na napabilang sa World University Rankings for Innovation (WURI) mula 12 noong 2022 patungong 140 ngayong taon, kasabay ng paglalalaan ng P100,000 na pondo mula sa Tanggapan ng Pangulo para sa limang Presidential Scholars mula sa bawat barangay sa buong bansa. 

Gayunpaman, ayon sa pahayag ng IBON Foundation, bagama’t nakatanggap ang sektor ng edukasyon ng P1.35 trilyong badyet ngayong taon, nahaharap pa rin sa budget cuts ang 19 sa 115 na pampublikong pamantasan—kabilang ang UP System—dahil hindi umano kailanman matutugunan ng malaking pondo lamang ang sistematikong krisis sa pagkatuto kung ito ay patuloy na papabor sa pribadong interes at sa isang neoliberal na kurikulum sa halip na magpatupad ng mga reporma para sa isang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon. 

Sa sektor ng edukasyon, patuloy pa ring nakararanas ang mga pampublikong paaralan at Unibersidad sa bansa ng kakulungan sa mga silid-aralan, pasilidad, yunit, at kaguruan—mga suliraning mariing humahadlang sa pagkatuto ng mga mag-aaral. 

Sa isang Facebook post ng EDCOM 2 – The Second Congressional Commission on Education, iginiit nito na dalawa lamang sa walong pangunahing suliranin ng edukasyon ang nabanggit sa ikalimang SONA. Dagdag pa ng komisyon, marami pang mahahalagang usapin, tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program—isa rin sa mga ipinangako noong nakaraang SONA—ang hindi umano ganap na naipatupad.

Hinggil sa isyu sa West Philippine Sea

Inilatag din ni Pangulong Marcos Jr. sa ikalimang SONA ang pagtatanggol umano sa soberanya ng Pilipinas ukol sa isyu sa West Philippine Sea kasunod ng nangyaring tensyon sa Ayungin Shoal, habang pinarangalan nito ang katapangan ng mga sundalo, coast guard, at mangingisda.

Muli ring pinanindigan ng administrasyon ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at inihayag na gagamitin ng pamahalaan ang lahat ng legal at mapayapaang pamamaraan upang ipagtanggol ang karangalan at teritoryo ng bansa. 

“Sa mga pang-aalipusta, hindi tayo matitinag. Sa manlulupig, hindi tayo pasisiil,” ani Marcos Jr.

Gayunpaman, matatandaang hindi nabanggit ng Presidente ang isyu sa West Philippine Sea noong ikaapat na SONA. Sa halip, sinabi na lamang nito na ang Pilipinas ay kaibigan ng lahat at hindi kaaway ninuman. 

Sa kabila ng pahayag na ito at sa kasalukuyang paninindigan ng Pangulo sa soberanya ng bansa laban sa Tsina, ang administrasyon ay tila pumapabor naman sa isa pang imperyalistang bansang Estados Unidos—na sumasalamin sa mga proyekto at malawakang impluwensya ng militar ating bansa.

Hinggil sa isyu ng seguridad ng bansa

Taliwas sa pagbibigay-pugay ni Pangulong Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong ikalimang SONA, masalimuot ang mga karanasan ng malawak na hanay ng lipunan—kabilang ang mga estudyante, magsasaka, manggagawa, at iba pang batayang sektor—sa kamay ng kapulisan. 

Matatandaang nagkasa ng Hagupit Timog Katagalugan (TK) Caravan ang iba’t ibang sektor ng rehiyon mula ika-25 hanggang ika-27 ng Hulyo sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan upang ilantad ang reyalidad ng mga mamamayang Pilipino hinggil sa patuloy umanong paglala ng mga krisis sa kabuhayan, agrikultura, edukasyon, at iba pang batayang serbisyo sa bansa.

Sa loob ng tatlong araw na pagkilos, hinarap ng mga kalahok sa kilos-protesta ang mahigpit na presensya ng kapulisan, kung saan iniulat ang umano’y sapilitang pagharang, paniniktik, pagpapakawala ng pestisido, at pag-aresto habang isinasagawa ang serye ng mga protesta. 

Ayon sa mga ulat, habang ikinakasa ang pambansang programa sa Commonwealth Avenue, Quezon City kabasay ng ikalimang SONA ni Pangulong Marcos Jr noong ika-27 ng Hulyo, umabot sa 51 ang bilang ng mga indibidwal na hinuli ng kapulisan at bigla na lamang isinakay sa bus ng Bureau of Jail Management and Penology, kung saan 12 sa mga inaresto ay pawang mga menor de edad. 

Naitala rin ang mga insidente ng sapilitang paghila, pangangaladkad at pagdapa ng ilang kabataan at matatanda mula sa umano’y marahas na panghihimasok ng kapulisan.

Paglalagom ng SONA 2026

Bilang paglalagom ng ikalimang SONA ni Marcos Jr., nangako ang Pangulo na tatapusin ang lahat ng nasimulang programa at tutuparin ang mga plano sa bansa, kasabay ng pagbibigay-paalala sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang pagtutulungan upang makabuo ng isang bansang nararapat sa bawat mamamayan at ng mas magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon.

Saad ng Pangulo, “My beloved countrymen, let us continue the work that we have started. To make the Philippines the country that Filipinos deserve.” 

Sa pagpasok ng rehimeng Marcos Jr. sa huling dalawang taon ng panunungkulan, mariing nakatutok ang pagsusuri sa kakayahan ng pamahalaan na isalin sa mga kongkretong resulta ang bawat programang pinangako sa sektor ng edukasyon, enerhiya, agrikultura, at sa pagpapanagot sa katiwalian ukol sa iba’t ibang isyung kinahaharap ng bansa. 

Ang lahat ng ito habang patuloy ang samu’t saring bangayan, kaganapan, at iba pang kaguluhan sa mga sangay ng gobyerno na nahahati sa mga paksyon ng mga politikong inuuna ang pansariling interes. 

Marami mang opisyal na ulat at pondong inilatag ang Pangulo, ngunit ang tugon sa mga natuklasang kakulangan at puna ng mga nasa batayang sektor ang magsisilbing pangunahing batayan kung paano matatamasa ng bawat mamamayang Pilipino ang tunay na epekto ng mga panibagong pangako ng administrasyong Marcos Jr.  ■

Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya