Pagdating namin sa resort, ang una kong napansin ay kung gaano katahimik ang paligid. Walang tunog ng notification mula sa mga GC sa majors. Walang nag-aalala sa mga deadline. Walang nagmamadali o naghahabol ng requirements. Walang paper na kailangang maipasa bago mag-alas-dose ng gabi. Tanging lagaslas ng tubig sa pool, mahinang tugtog ng OPM mula sa TV, at mga katawang bagsak agad sa kama dahil sa pagod. 

May mga dumiretso agad sa kutson pagkababa ng bag. Ako naman, umupo muna sa monoblock. Naghanap kami ng pelikulang mapapanood sa YouTube kasi walang Netflix account sa TV. Naglalaro ng Tongits sa phone si Drei, habang ‘di ko alam kung anong ginagawa nina Ysah at Rie. Si Nikka, on the way pa lang. No’ng naglaro na kami ng baraha, may nagmumura kada bunot kasi ang pangit daw ng pagkakabalasa. 

Nakakatawang isipin na halos dalawang taon kaming magkakasama sa courses namin sa ASDC program ng kolehiyo, pero ngayong magkakasama kami sa isang bakasyon, saka ko lang tunay na nakita kung gaano kami “ka-tao” sa isa’t isa. 

Hindi sila newsroom colleagues o mga taong palagi kong nakakasama sa mga coverage. Mga estudyante rin sila ng UP katulad ko—mga taong ilang semestre kong nakasamang maghabol ng requirements, magreklamo tungkol sa enlistment, magdusa para sa majors, at mag-last-minute review para sa quizzes at exams. Nakasama ko silang tumawa habang binabagsakan kami ng buhay. 

Kung tutuusin, grabe rin ‘yung memorya ko sa mga detalye kapag mga bagay na wari mo’y walang ka-kwenta-kwenta. Pero siguro gano’n din ‘yung pakiramdam kasi unti-unti ring humihiwalay sa katawan ko no’ng mga pagkakataong ‘yon ‘yung bigat ng mga nakaraang buwan. Ang dami kasing requirements na hinabol. Sunod-sunod ‘yung mga gabing walang tulugan. Ilang araw ko ring naramdamang nauubos na ako kapipilit sa sarili kong maging productive

May kung anong kakaibang pakiramdam kapag nakikita mo ang mga kaibigan mong ilang buwan mo ring kasabay sa pagod na biglang nagiging mapayapa, kahit saglit lang. ‘Yung pakiramdam, pamilyar. Para bang pansamantalang tumigil ang mundo para bigyan kaming lahat ng pahintulot na huminga. Para bang ayos lang mag-usap tungkol sa mga payak na bagay, sapat na munang ‘yung pool lang ang may lalim. 

Senti na kung senti, pero nakakatuwang isipin na mahigit isang taon din naming pinanday ang isa’t isa sa mga karanasan namin sa Unibersidad. Sa napakahabang panahon, sila ang ilan sa mga unang naniwala sa pagsusulat ko. Alam kong binabasa nila ‘yung mga piyesa ko sa Tanglaw. At sa simpleng pangungumusta o pang-aasar, marahil ‘di nila namamalayang tinutulungan nila akong manatiling buo. 

Bandang hatinggabi, nagsimula na kaming mag-ingay nang todo. 

‘Di na bale kung may amoy ng Alfonso at soju sa hangin, basta’t makatatawa kami nang sobrang lakas na akala mo tapos na ang lahat ng problema sa mundo at nakamit na ang lahat ng sustainable development goals na paulit-ulit binabanggit sa mga kurso namin. May mga walang kwentang kwento tungkol sa mga prof, sa kung sinu-sinong muntik nang bumagsak sa DEVC 153. Sabay-sabay naming pinanood ‘yung Seven Sundays habang may isang umaastang film critic. 

May kung anong bigat sa dibdib ko habang iniisip ko lahat ng sinusulat ko ngayon. Hindi naman ako malungkot. Sa katunayan, nagagalak nga ako. Noon ko lang lubos na naunawaan kung gaano kalaki ang naging ambag ng mga kaibigan ko sa buhay ko. Wala kaming shot glass na baon, puro paper cups lang, pero sigurado akong may nabasag nang gabing ‘yon.

For the longest time, nasanay akong tingnan ang sarili ko bilang isang makina na kailangang laging may naisusulat, laging may output, laging may ambag. Pakiramdam ko noon, kailangan kong panindigan araw-araw ‘yung imaheng binuo ng ibang mga tao tungkol sa’kin—na para bang lagi akong may enerhiya, laging politically aware at may say, laging kayang magsulat anumang oras. 

Naalala ko tuloy ‘yung anonymous post sa Freedom Wall ng UPLB na nabasa ko isang linggo bago ang outing namin. 

May nagsabi kasing hanga raw sila sa’kin dahil parang hindi raw ako napapagod. Parang kaya ko raw pagsabay-sabayin ang pagsusulat, org work, acads, at aktibismo nang hindi nasisira. Binansagan pa nga akong “perfect devcom student.” 

Nung unang basa, natawa lang ako. Nagalak din ako sa mensaheng iyon. Pero habang inaalala ko ‘yung mga pinagsamahan namin nina Ysah, Rie, Kael, Nikka, Drei, Eli, Abi, at ang iba ko pang mga kaibigan sa pamantasan, saka ko lang tunay na naunawaan kung bakit may bahagi sa aking bumigat nang mabasa ko ‘yon. 

Dahil alam kong hindi naman totoo ‘yon. 

Walang “perfect devcom student.” Wala ring taong hindi napapagod. Walang katawang kayang magtrabaho nang tuloy-tuloy nang hindi bumibigay. 

Kung nakita lang siguro nila kung paano nanginginig ‘yung kamay ko dahil sa tuloy-tuloy na pagsusulat habang puyat at puno ng kape ang katawan. Kung paano ako nawawalan ng ganang bumangon matapos ang magkakasunod na linggo ng deadlines at press work. Kung paano ako tamaan ng krisis habang pilit tinatapos ang isang sulatin kahit drained na drained na ‘yung katiting kong utak. 

Habang tumatagal ako sa direksyong tinatahak ko sa buhay, mas lalo kong nauunawaan na ang romantisasyon sa “walang-kapagurang aktibista” ay mapanganib dahil ang mga manunulat at  aktibista ay may laman, dugo, at limitasyon din. Hindi kami makinang kayang umandar nang umandar. Tao rin ang mga manunulat at aktibista. 

Marahil iyon ang isa sa pinakamahalagang bagay na muling pinaalala sa akin ng gabing kasama ko ang mga kaibigan ko. 

Hindi dahil mas makabuluhan ang outing namin sa mga immersion o organic encounters na napupulot namin sa mga komunidad—sapagkat hinding hindi ko kailanman ituturing na mas mababaw ang mga natututuhan ko mula sa masa. Sa katunayan, malaking bahagi ng pagkatao ko bilang manunulat at aktibista ang hinulma ng mga komunidad na nakadaupang-palad ko. 

Ngunit noong gabing kasama ko ang mga kaibigan ko, may isa akong natutuhan tungkol sa konsepto ng organic encounter na dati kong hindi gaanong napapansin. Napagtanto kong minsan, nangyayari ito sa pagitan ng mga pagod na katawang sabay-sabay nagpapahinga matapos ang mahabang panahon ng paglaban. 

Aaminin ko kasi, hindi ko naman talaga kakayaning makarating sa kung nasa’n ako ngayon nang mag-isa. Maraming beses na akong muntik mapagod nang tuluyan. Muntik na akong umabot sa puntong titigil na lang ako sa pagsusulat, mawawalan nalang ng pake sa lahat. 

Pero sa bawat pagkakataong pakiramdam ko babagsak na ako, may mga taong humahawak sa’kin pabalik. May mga taong tatawa kasama ko hanggang makalimutan ko ‘yung matinding pagod. May mga kasamang handang makinig kahit na hindi ko pa kayang i-compose nang maayos ‘yung nararamdaman ko. Maraming nagpapaalala sa aking may buhay ako lampas sa deadlines at krisis. 

Ngayon ko lang talaga mas naunawaan ‘yung halaga ng collective care

Hindi naman talaga mahiwaga ang pinanggagalingan ng lakas upang magpatuloy. Wala namang lihim na balon ng motibasyon tayong mga manunulat, aktibista, o estudyanteng patuloy na lumalaban kahit pagod na. 

Kadalasan, ang lakas na inaalay natin ay hinihiram lang din sa lakas ng mga kasamang nakapaligid sa’tin. 

Habang nakahiga ako no’ng gabing ‘yon, nakikinig sa biruan ng mga lasing na kaibigan (may isa pa ngang randomly nagdasal), may kung anong bahagi ng sarili ko ang unti-unting gumaan. ‘Di pa rin naman nawawala ang problema. Hindi rin naman luminaw bigla ang direksyon ng buhay ko. Natatakot pa rin ako sa hinaharap, lalo na sa mga desisyong kailangan kong gawin pagkatapos gumradweyt. 

Pero kahit pa pa’no, mas kaya ko na ring sumulong ngayon—dahil mas malinaw na sa aking hindi ko kailangang buhatin mag-isa ang buong mundo. At marahil, iyon ang gusto kong sabihin sa lahat ng taong patuloy na naniniwala sa akin bilang manunulat. 

Kung mayroon mang anumang lakas sa mga sinusulat kong piyesa, hindi iyon nagmumula sa kung anong espesyal na kakayahan. Hinubog ‘yon at patuloy pang hinuhubog ng mga taong piniling manatili sa tabi ko sa gitna ng pagod. Hinubog ‘yon ng mga kaibigan kong naging tahanan ko na rin sa loob ng kolehiyo, ng mga taong patuloy na nagbabasa kahit pakiramdam ko minsan wala nang saysay ‘yung ginagawa ko, ng mga kasamang nagpapaalala sa aking tao rin ako.

Marami akong utang na pasasalamat kina Ysah, Rie, Eli, Kael, Nikka, Drei, Abi, at sa marami pang iba na matagal nang nasa tabi ko kahit sa mga panahong hindi ko na alam kung paano magpapatuloy. ‘Di man natin alam kung sa’n tayo dadalhin ng mga susunod na taon, batid kong may ilang bagay na hinding-hindi magwawakas. 

Sa malayong hinaharap, darating ulit ‘yung mga gabing sabay-sabay tayong tumatawa habang may isang itinatangging lasing na siya kahit halata naman. Darating pa rin ‘yung mga pag-uusap na walang malinaw na direksyon pero somehow, someway nakapagpagagaan ng pakiramdam natin. Hinding hindi magtatapos ‘yung pagkakaibigang nabuo natin sa pagitan ng puyat, pagod, at sama-samang pagharaya ng mga pangarap. 

At marahil, ang lahat ng ito ang pinaka-organic na encounter sa lahat: Hindi lamang ang paglubog sa mga komunidad upang matuto mula sa masa, kundi ang pagkatutong manatiling tao kasama ng iba pang taong kapatid mo sa pagharap sa pagod at sandamakmak na krisis. 

Sa masalimuot na mundong halos araw-araw tayong tinuturuang ubusin ang ating mga sarili para maging kapaki-pakinabang, may mga pagkakaibigang nabubuo mula sa aktibong pagpapasyang magmahal sa gitna ng pagod. 

Para sa’kin, iyon mismo ang dahilan kung bakit may saysay pa ring magpatuloy. ■

Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication na nagsilbi bilang Managing Editor ng Tanglaw noong nakaraang semestre. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya