DAPAT MONG MALAMAN

  • Ang kasalukuyang sistema ay lumilikha ng isang masalimuot na bilangguang ikinukulong ang mga tumitindig para sa katotohanan.
  • Hindi pa rin ganap na dama ng kalakhan ng masang Pilipino ang tunay na kalayaan.

“Sana makalaya na talaga ako. Sana maka-graduate na ako sa kulungan.”

Ito ang mga salitang binigkas ni Amanda Echanis, isang manunulat at peasant organizer, na inaresto noong 2020—habang karga-karga ang kaniyang isang buwang gulang na sanggol—sa gitna ng akusasyong may kinalaman umano sa illegal possession of firearms and explosives. Pinasok ang kaniyang tahanan nang walang search warrant, at kalaunan ay nakulong nang mahigit limang taon sa Tuguegarao City.

“May mga gamit na hindi ko naman pagmamay-ari. Baby lang [ang] hawak ko,” aniya. 

Dinala siya ng kaniyang interes sa pananaliksik sa Cagayan Valley, kung saan kaniyang nasaksihan ang araw-araw na kalagayan ng mga magsasaka at kung paano sinusupil ng estado ang mga nagsusulong ng kanilang mga karapatan.

Ang kaniyang kuwento, kasama ng napakarami pang salaysay ng mga bilanggong pulitikal, ay patuloy na binubungkal ang mas malawak na katotohanan—na lampas sa masisikip na mga selda at naglalamigang mga rehas, nakakulong sila sa mas masalimuot na bilangguan: ang bulok na sistemang pilit na sumasakal sa mga tumitindig para sa katotohanan.

Ito ang binigyang-buhay sa dokumentaryong Bloom Where You Are Planted sa direksyon ni Noni Abao, na nagbukas ng espasyo sa mga personal na danas ng tatlong aktibistang lumaban at patuloy na naninindigan para sa karapatan ng mga magsasaka sa hilagang bahagi ng bansa.

Bumubulong ang hangin sa kanayunan

Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling mainit na usapin sa publiko kung bakit may mga indibidwal na pinipiling lumubog sa mga komunidad na matagal nang naiwan sa laylayan.

Ngunit sa mga tahimik na kanayunan din sumisipol ang hangin na tila bumubulong ng mga panawagan para sa katarungan—sapagkat madalas ay hindi napakikinggan ang kanilang mga istorya. Sa Cagayan Valley, ito ay ang kuwento ng mga magsasakang patuloy na ibinabaon ng mapanupil na sistema sa hukay.

“Noong pinirmahan ‘yung Philippine Mining Act noong 1994, ‘yung unang-unang mining company na pumasok sa Pilipinas, sa Nueva Vizcaya. Tapos IP [indigenous people] area ‘yun, e IP advocate ako. So, kaya, pumunta ako sa Cagayan Valley,” wika ni Agnes Mesina, isang development worker, at isa rin sa mga pangunahing mukha ng dokumentaryo.

Nasa rurok ng listahan ang Cagayan Valley sa mga pinakaproduktibong rehiyong agrikultural sa bansa. Binubuhay ng Cagayan River ang malalawak nitong taniman ng palay, mais, at gulay, dahilan upang kilalanin ito bilang isa sa mga primaryang pinagkukunan ng pagkain sa Pilipinas. Ngunit sa likod ng masasaganang mga ani ay ang kabalintunaang ang mga magsasakang nagpapakain sa bayan ang sila ring kadalasang isang kahig, isang tuka.

Habang namumunga ang kanilang mga tanim, lumalaki rin ang kanilang mga utang. Ang mga abono at pestisidyo ay patuloy na nagmamahal, ngunit ang halaga ng kanilang ani ay nananatiling mababa.

“May concentration ng pagmamay-ari ng lupa,” pagbibigay-diin din sa palabas. Dahil dito, habang yumayaman ang mga panginoong maylupa, ang mga tunay na nangangalaga sa mga ito ay nananatiling salat at hindi nakabubuhay ang hanapbuhay. 

Ito ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit pinili nina Agnes at Amanda ang mahirap na desisyong mapalayo sa kanilang mga anak at pamilya upang maglingkod sa mas malawak na sambayanan. Ito rin ang nagtulak kay Randy Malayao, isang human rights defender at peace advocate, na iwan ang buhay sa Kamaynilaan upang bumalik at ilaan ang kaniyang panahon at kakayahan sa paglilingkod sa kaniyang bayang sinilangan.

Huwad pa rin ang kalayaan

Nitong nagdaang ika-12 ng Hunyo, sa paggunita ng Araw ng Kalayaan, nakabitin pa rin sa hangin ang katanungang: tunay nga bang malaya na ang mga Pilipino?

Marahil, ang mismong konsepto ng kalayaan ay nananatiling hindi pa ganap na nararamdaman ng kalakhan ng populasyon. Kaliwa’t kanan pa rin ang pagpapatupad ng mga polisiyang nakasandig sa interes at pamantayan ng mga dayuhang bansa, na sa halip na maghatid ng tunay na benepisyo, ay lalo pang inilalagay ang mga dapat nitong paglingkuran—ang masa—sa patuloy na pagkakagapos.

“Sabi ko, tutulong ako na mag-organize tapos mag-educate para hindi masayang ‘yung mga lupa nila, hindi malason ‘yung ilog, hindi makuha ‘yung mga ginto na hindi naman ang makikinabang [ay ang] mga Pilipino, kundi ilalabas lang sa bansa,” dagdag ni Agnes kung bakit lalo siyang natulak na baybayin ang mahabang biyahe patungong Cagayan.

Ngunit karugtong ng kanilang pagtindig para sa mga magsasaka ang walang habas na red-tagging at terror-tagging.

Katulad ni Amanda, si Agnes ay ilang ulit na ring pilit na inaresto at kinulong. 

Sa kanayunan ng Cagayan, matatanaw ang nagkalat na mga tarpaulin kung saan makikita ang kanilang mga mukha at pangalan—kadikit ang iba’t ibang mga paratang na anila’y wala namang basehan.

“Ginagawa nila akong model, model ng red-tagging,” ani Agnes.

Samantala, si Randy naman ay ibang ruta ang kinahantungan. Siya ay sinasabing unang dinakip noong 2008, binugbog, sinaktan, at pinadaan sa iba’t ibang anyo ng psychological torture. Ang kaniyang kuwento ay ibinahagi ni Raymond Villanueva, isang mamamahayag at matalik na kaibigan at kababata ni Randy.

After four days ng paghananap, [the] chances of finding him alive and [the] chances of finding him unscathed were getting slim,” ani Villanueva.

Hanggang sa kaniyang huling hininga ay ipinaglaban pa rin niya ang karapatan ng mga magsasaka, partikular na ang tunay na agrarian at sosyo-ekonomikong reporma. 

Kailan makakamtan ang tunay na kapayapaan?

“Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.” Iyan ang tema ng Araw ng Kalayaan ngayong taon. 

Ngunit kasabay ng pagbandera ng bandila ng bansa ay ang pagtaas din ng mga plakard at iba pang tanda ng pakikibaka dahil marami pa ring Pilipino ang hindi tunay na malaya. 

Bakas sa kasaysayan na hindi pa rin ganap na nakakamit ang kalayaan, dahil libu-libong Pilipino ang patuloy na dinudurog ng sistemang sumisira sa kanilang kinabukasan—lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.

“Hindi lang sa Cagayan nangyayari ‘yung mga ganitong karahasan sa mga aktibista, sa mga patuloy na lumalaban—ganoon ang nangyayari rin dito sa Timog Katagalugan… May sari-sarili silang kampanyang ipinaglalaban, may sari-sarili silang kuwentong dapat ay mas pinapaingay natin. Ngunit ang nangyayari ay patuloy silang sinusupil, patuloy silang pinapatahimik ng estado,” saad ni Tiffany Aceña ng Kalikasan Timog Katagalugan, sa ginanap na talkback session matapos ipalabas ang dokumentaryo sa UPLB NCAS Auditorium noong Abril, sa pangunguna ng CineElbi 2026: Hit Wave ng UP Film Circle (UPFC).

Inihayag sa talkback session ang katotohanang nananatiling naghihirap ang mga magsasaka na itinuturing na haligi ng ekonomiya ng Pilipinas, nananatiling baon sa utang ang mga manggagawa sa mga pabrika, at nananatiling mas madali para sa mga dukha na mailagay sa likod ng mga rehas—dahil sa kakulangan ng kanilang kakayahang kumuha ng legal na representasyon at ipaglaban ang kanilang sarili sa korte.

Hanggang ang sistema ay palaging pumapabor sa mayayaman, makapangyarihan, at interes ng mga dayuhan, hindi makakamtan ang tunay na kapayapaan at kalayaan.

“Yayabong kami kahit sa pinakamahihirap na kalagayan”

“Hindi natin pwede piliin kung kailan tayo ipapanganak, kung kailan tayo mamamatay, pero pwede natin piliin kung paano tayo mabubuhay,” wika ni Amanda.

Sa kabila ng lahat ng kaniyang pinagdaanan—ang pagkakalayo sa anak at ang pagkakakulong nang walang sapat na ebidensiya—hindi kailanman nawala ang alab sa kaniyang puso na kumilos at makipamuhay sa kanayunan. 

“What if maging boses ako para sa kapwa ko bilanggong pulitikal? What if hindi hadlang ang rehas sa pagiging ina ko? What if magsulat pa rin ako?” Ito lamang ang ilan sa mga katanungan na bumagabag sa kaniyang isipan habang nasa bilangguan—ni minsan ay hindi niya kinuwestiyon at pinagsisihan ang desisyong tumungo sa Cagayan. 

“‘Yung pagkakakulong, isang panahon lang siya. Buo pa rin ang loob ko na magtuloy-tuloy sa pakikibaka,” aniya. 

Sapagkat ang pag-ibig na alay sa bayan ang pinakamataas na anyo ng pagmamahal, na hindi lamang nakapaloob sa sarili at sa tahanan, kundi pinakikinggan ang tawag na paglingkuran ang mas malawak na sambayanan.

“Sana ay maging inspirasyon din ‘yung pelikula… para sa puspusang pag-alam pa ng mga kabataan sa sitwasyon talaga ng mga nangyayari sa lipunan at paglubog sa batayang hanay ng masa—lalo na sa sektor ng mga magsasaka na pinakanararamdaman talaga ang krisis at kahirapan, kagutuman, sa lipunan ngayon,” pahayag ni Amanda sa isang panayam kasama ang UPFC.

Sisibol din ang mga binhi ng paglaya at paglaban

Ganap man siyang malaya na mula sa rehas—kasama pa rin niya ang marami pang mga Pilipinong patuloy na nakakahon sa problematikong sistemang laging nasa dehado ang mga dukha.

Tuloy-tuloy lamang ang laban habang patuloy na pinatatahimik ang mga naglilingkod sa mga mahihirap at magsasaka. 

Tulad ng linya mula sa isa niyang tula,

“Sinubukan nila tayong ibaon

sa limot, ang hindi nila alam, 

tayo ay mga binhi ng paglaya.” 

Kahit sa gitna ng pinakamalalakas na ulan at nakapapasong sikat ng araw, ang pagmamahal sa bayan ay hindi kailan man mauubos at mauupos. 

“Kahit alam mong matatalo ka, lumaban ka,” giit ni Agnes.

“Lahat ng mga ginagawa nating mga aktibista ay balang araw [ay] magbubunga at balang araw ay magiging daan tungo sa tagumpay,” dagdag din ni Aceña.

“Nandito kaming mga iskolar ng bayan, artista ng bayan, at malawak na bilang ng mga mamamayan, lalo na ‘yung mga kasama ng mga magsasaka na ating pinaglilingkuran—na hindi masasayang ‘yung inyong mga naging simulain,” saad naman ni Amanda.

Ang sama-samang pagkilos ang tutulong upang makawala sa pagkakagapos ang mga naghihikahos—”dahil kami, tayo ay mga munting binhi ng paglaban.”  ■

DIBUHO NI CLARENCE ILAO


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya