Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.


Sa isang lipunang kinatatangian ng sala-salabat na krisis bunsod ng pabulok nang pabulok na sistema, ang pagsusuot ng Sablay ng mga magsisipagtapos na iskolar ng bayan ay hindi pagwawakas bagkus isang simula ng mas dakilang pakikibaka.

Ngayong Hulyo, libo-libong iskolar ng bayan ang muling lalabas sa pamantasan tangan ang karangalang maging produkto ng UP. Ngunit kasabay ng paglipat ng Sablay mula sa kanang balikat patungo sa kaliwa ay ang paglipat din ng isang mas mabigat na gampanin—ang gamitin ang talino, kakayahan, at edukasyong ipinagkaloob ng bayan upang maglingkod sa masang anakpawis. 

Hindi nagtatapos ang kwento ng isang iskolar ng bayan sa araw ng kanyang pagtatapos. Hudyat pa lamang ang pagmartsa ng bawat gradweyt sa kanilang mandato na ialay ang kanilang buong sarili sa sambayanan. Patunay sa kahalagahan ng tungkulin ng mga gradweyt ang reyalidad na kinahaharap ng Unibersidad na kanilang lilisanin. Habang nagtatapos ang isang henerasyon ng mga iskolar ng bayan na pinanday ng ilang taong pananahan at pakikibaka sa loob ng pamantasan, pilit namang binabago ng naduduwag na estado ang kanilang pinanggalingan.

Pinakahuli sa pagtatangkang ito ng pamahalaan ang panukalang Reframed General Education Curriculum (RGEC) na naglalayong bawasan ang mga kursong humuhubog sa kritikal, historikal, at panlipunang pag-unawa ng mga mag-aaral. Hindi na bago ito sa kasaysayan ng edukasyon sa bansa, kung kaya’t malinaw ring hindi ito simpleng rebisyon ng kurikulum—ito ay isang pampulitikang proyekto ng gobyernong desperadong ilayo ang edukasyon sa pagsusuri ng lipunan at ituon ito sa paghubog ng mga manggagawang madaling maipasok, at kalauna’y abusuhin, sa merkado. 

Bukod sa RGEC, walang humpay rin ang budget cuts sa mga pampublikong pamantasan na nagdudulot ng lumalalang kakulangan sa mga kurso, pasilidad, at propesor. Sunod-sunod din ang pag-atake sa akademikong kalayaan sa bisa ng red-tagging at kawalan ng sapat na mekanismo sa pagpapatupad ng mga polisiyang dapat sana’y nagpoprotekta sa atin, kagaya ng Safe Haven Resolution.

Hindi maipagkakaila ang direksyon ng pasistang estado: layon nilang gawing teknikal ang edukasyon habang unti-unting inaalis ang mapagpalayang diwa nito. Puspusan ang kanilang pagtatangkang ihiwalay ang mga iskolar ng bayan sa masang dapat nilang paglingkuran. Kinikitil nila ang kakayahan ng mga mag-aaral na pag-aralan ang tunay na kalagayan ng lipunan at isapraktika ang kanilang rebolusyonaryong diwa tungo sa pagbabago. Sa panahong mapahintulutan natin ang estado na hubugin ang mga pamantasan batay sa hinahangad ng mga naghaharing-uri, lilikha tayo ng henerasyon ng mga Pilipinong bihasa sa teknikal na aspeto ng kanilang disiplina ngunit salat sa kakayahang kilatasin ang mga pwersang humuhubog sa lipunang ating kinagagalawan.

Higit na mapanganib ang ganitong direksyon para sa isang disiplinang katulad ng Devcom, sapagkat ang komunikasyong inihihiwalay sa konteksto ng lipunan ay nagiging simpleng teknikal na gawain. Ang isang reporter na hindi marunong kumilatis sa ugat ng kahirapan ay madaling maging tagapaglaganap ng propaganda ng estado. Ang isang development communicator na hindi nauunawaan ang estruktural na dahilan ng kagutuman, kawalan ng lupa, o panunupil ay madaling maging instrumento ng mga naghaharing-uri sa halip na kakampi ng masa. 

Mas lalong nabibigyang-diin ang bigat ng katangiang ito ng Devcom ngayong panahon ng pagtatapos sapagkat ang lipunang sasalubong sa panibagong mga gradweyt ng ating kolehiyo ay isa ring lipunang pinagtatagpi-tagpi ng magkakaugnay na krisis. 

Sa Timog Katagalugan, patuloy ang development aggression sa iba’t ibang komunidad, kagaya ng dinaranas ng Purok 6B, Bambang. Wala ring tigil ang militarisasyon at pambobomba sa mga islang kagaya ng Mindoro. Sa loob ng mga engklabo sa Laguna, tuloy-tuloy ang pag-atake sa mga unyon ng manggagawa, habang sa mga lupain sa Cavite naman ay walang humpay ang pangangamkam sa lupa ng mga panginoong maylupa. 

Lampas pa sa ating rehiyon, wala ring patawad ang tama ng krisis sa langis sa libo-libong tsuper at operator, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paglala ng kawalan ng disenteng trabaho. Nangyayari ang lahat ng ito habang abala ang mga nasa kapangyarihan sa kanilang sariling bangayan at pagpapalakas ng impluwensya, kagaya ng nangyayari sa Senado. Bukod pa rito, wala pa ring tunay na napananagot sa sunod-sunod na isyu ng katiwalian sa pamahalaan.

Kaya’t kung may matututuhan man tayo mula sa mga krisis na ito, iyon ang reyalidad na pabulok nang pabulok ang sistemang pinaiiral ng mga dayuhang kapangyarihan. Hindi hiwalay ang mga suliranin sa ating bansa sa mga nangyayari as daigdig. 

Sa Gitnang Silangan, nagpapatuloy ang henosidyo ng Israel sa Palestine, na may basbas ng Estados Unidos. Wala ring garantiya ng pagtigil ang giyerang agresyon ng kaparehong tambalan sa Iran, na nauna nang magdulot ng pagsirit ng presyo ng petrolyo bunsod ng pagsasara ng Strait of Hormuz noong mga nakaraang buwan. Sa Asya naman, patuloy na ginagamit ang Pilipinas bilang lunsaran ng estratehikong interes ng US sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga kasunduang militar kagaya ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at mga programang kagaya ng Pax Silica na naglalayong abusuhin ang ating mga likas na yaman. 

Malinaw na habang lumalawak ang impluwensya ng mga dayuhang kapangyarihan sa ating bansa bunsod ng papet na pamahalaan, lalo ring nalalagay sa panganib ang soberanya, likas na yaman, at kinabukasan ng sambayanang Pilipino. 

Magkakatahi ang mga suliraning ito sapagkat ang mga ito ay magkakaibang mukha lamang ng iisang sistemang nakabatay sa pagkamal ng labis-labis na tubo at kapangyarihan.

Kung gayon, walang gradweyt na maaaring tumayong hiwalay sa nakikibakang taumbayan, at walang gradweyt na maaaring itanggi ang pangako ng kasaysayang palaging may magpapatuloy sa makatarungang paglaban. Hindi na nakagugulat na natututo tayong lumaban upang baguhin ang kasalukuyang bulok na kaayusan. 

Bitbit ng bawat nagsisipagtapos ang pamana ng mga batayang sektor ng lipunan—at kasama sa pamanang ito ang dugo ng mga yumaong martir ng sambayanan, kagaya ng Toboso 19 na nasawi noong Abril, sapagkat sila ang patunay na palaging may magdidilig sa mga binhing magpapatuloy sa paglaban tungo sa ganap na tagumpay. 

Higit na nabibigyang-diin ang pamanang ito sa pagtangan ng bawat magsisipagtapos sa panatang ipagpatuloy ang pakikibaka ng mismong mga yumaong kapwa nila iskolar ng bayan katulad ni Alyssa Alano. Isa lang si Alano sa maraming mga mag-aaral na dapat sana’y nakatatamasa rin ng kaparehong pagtatapos ngayon ngunit nasawi sa kamay ng berdugong militar dahil lang sa kanilang pagpapasyang maglingkod sa mga magtutubo sa Negros.

Higit 100 ang mga magsisipagtapos mula sa Devcom. Ganito rin karaming boses ang may kakayahang maglathala ng mga kwento ng masang anakpawis. Sila rin ang mga boses na may kakayahang patunayang ang tunay na kasaysayan ng komunikasyong pangkaunlaran ay kasaysayan ng mapagpalayang pakikibaka para sa tunay na pagbabago ng lipunan.

Lagpas sa paghahatid ng impormasyon, nakaugat ang diwa ng Devcom sa paggamit ng komunikasyon bilang kasangkapan sa paglalantad at panghahamon sa bulok na sistema. Mandato ng mga nakapagtapos sa disiplinang ito ang patuloy na pagsusulat at pag-uulat—’pagkat sa gitna ng samu’t saring krisis na kinahaharap ng lipunan, mas matindi ang kahingian para sa mga alagad ng midya na may husay ‘di lamang sa pagsasalita at pagsusulat kundi sa puspusang pag-oorganisa sa masa.

Sa dulo’t dulo, humihigit ang Sablay sa karangalan; isa itong panata. Hindi ito sagisag ng pagtatapos ng tungkulin kundi paalala na sa bawat gradweyt na lalabas ng kolehiyo at ng pamantasan ay may bagong boses na inaasahang makikibaka kasama ng sambayanan. Ang tunay na kahulugan ng Sablay sa isang lipunang hinuhulma ng tunggalian ay ang walang humpay na pag-aalay ng talino, panulat, at komunikasyon para sa ganap na paglaya ng bayan. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya