Gabriel Jov T. Dolot
“Si Eugene Domingo nga 8 years sa UP eh,” ‘yan ang lagi naming biruan ng kaibigan kong kapwa delayed sa tuwing pinag-uusapan namin kung bakit hanggang ngayon ay nasa UP pa rin kami. Natanggap na namin ang pagka-delay kalaunan—pero sa totoo lang, hindi naging madali ang pinagdaanan namin.
Ngayong pitong taon na ako sa pamantasan, napakaraming Sablay season na ang dumaan na hindi ako kasama. Ilang batch na ang napagdaanan kong gumradweyt, ilang bulaklak na ang naipamigay ko sa mga kaibigan kong nagtapos, at ilang “congrats” na rin ang nasabi ko upang batiin sila para sa kanilang tagumpay.
Bagama’t masaya ako para sa mga kaibigan ko, hindi ko maitatanggi na kung minsan, may kaunting kirot sa loob ko lalo na’t alam mong may mga bagay na I wish I could have done differently.
Normalized na sa UPLB ang ma-delay—isang semestre, isang taon, o minsan ay higit pa. Normalized sa paraang wala nang kaakibat na panghuhusga o shame mula sa kapwa estudyante gayundin sa mga guro. Pero, hindi nito matatanggal ang sakit at hagupit ng reyalidad ng mga estudyanteng pinili o sapilitang tumagal sa Unibersidad.
Maraming dahilan ang pagka-delay. Maaaring dahil sa mga systemic o personal na rason. Ganito man ang katotohanan, iisa ang iniinda ng mga estudyanteng nakaranas nito—ang mental anguish, financial strain, o simpleng pagkawala ng gana.
Ang mga karanasang ito ay hindi na bago sa akin. Danas na danas ko ang pakiramdam na hindi na ako sigurado kung paano magpapatuloy—lalo na nitong nagdaang tatlong taon.
Class of 2023 talaga dapat ang pagtatapos naming mga Batch 2019 sa pamantasan. Pero dahil sa pandemya, sandamakmak na incomplete at dropped na subjects ang aking kinaharap. May isang kurso pa nga na pitong beses kong ni-retake.
Habang matagal nang tumapak sa panibagong pahina ng kanilang buhay ang aking mga batchmate, nandito pa rin ako sa UP. Karamihan sa mga kasama kong pumasok sa pamantasan noon ay may kani-kanila nang trabaho, may second promotion, o pumasok at nakapagtapos na ng kanilang master’s degree.
Habang ito ako, naging tahanan na ang Devcom sa mahabang panahon—ang kolehiyong hinubog at niyakap ako nang buong-buo sa kabila ng aking mga pagkukulang. Mahal na mahal ko ang Devcom dahil kinupkop at kinukupkop ako nito hanggang ngayon, pero masama bang hilingin na makalaya na ako rito?
Makalaya hindi para takasan ang nagsilbi kong pangalawang tahanan sa UPLB, kundi para tahakin ang mas malaking mundong naghihintay para sa akin.
Dinamdam ko nang sobra noong unang taon akong hindi nakapagtapos. Pero kalauna’y natanggap ko na rin na baka may ibang plano para sa’kin. Tinanggap ko nang buong loob ang kinabukasang hindi pa kayang makita ng aking mga mata. At nang lumipas ang mga taon, sa gitna ng mga pag-aalinlangan, may mga nakasama akong nagpagaan ng loob ko at binigyang-linaw nang kahit kaunti ang dilim ng aking tinatahak.
Dati, akala ko ay patalinuhan sa UP, palakasan ng loob, at pagalingan. Honor and excellence nga, ‘di ba? Pero ang hindi alam ng karamihan ay kasama sa honor ang pakikipagkapwa. Ang hindi pag-iwan sa kapwa estudyante, ang pagsasabuhay ng esensya ng isang “community.”
Ang tunay na essence ng isang community ay hindi nalilimitahan ng pinaggalingang probinsya, degree program, o batch sa University, kundi ang pagsalo kapag hindi na kaya ng isa, pag-intindi kahit mahirap, at pagkakaroon ng tahanang handang tumanggap maging sino ka man.
Maraming nagsasabi na ang UPLB ay kanilang “home away from home.” Sa tingin ko, totoo ito. Dahil hindi lang sa ambiance (pa lang wow), kundi sa mainit na pagtanggap at mapagmahal na kultura ng mga taong bumubuo rito.
Dahil sa mga komunidad na nahanap ko, nang lumaon ay hindi na alintana sa’kin ang tagal ko sa Unibersidad. Nawala na ang bigat, ang pressure, at ang pagkaawa sa sarili—dahil sila mismo ang tumulong na buhatin ang bigat sa balikat na bitbit ko nang halos tatlong taon. Kaya kapag tinatanong ako kung kailan ako gagradweyt o anong batch ko sa University, hindi ko na kailangang itago sa kahihiyan na delayed ako, o kaya naman ay mag-alinlangan sagutin ang mga tanong na paulit-ulit ko rin namang natatanggap.
Dito ko rin natutuhan na ako lang naman ang humuhusga sa sarili ko, na ako lang naman ang nag-iisip na kahihiyan ako. Napagtanto kong mas maraming tao ang gusto akong makitang magtagumpay at mga taong handang umalalay.
Pitong taon na ako sa UPLB. Tatlong taong delayed. Hindi ko na mabilang ang mga kaibigan kong pinalakpakan ko sa kanilang pagtatapos. Hindi ko na rin mabilang ang mga paghihirap na pinagdaanan ko. Pero hindi ko rin mabilang ang mga taong tumulong sa’kin makaabot sa puntong ito, kaya hinding-hindi ko rin sila malilimutan.
Kaya para sa mga kapwa kong naghihintay ng kanilang panahong masuot ang Sablay sa entablado, darating din ang ating panahon. ‘Wag mong kalimutang hindi ka nag-iisa at kaya nating sabihin ang mga salitang “one of these days, nak.”
Sa huli, isang mainit na pagbati sa Class of 2026. Padayon, mga iskolar ng bayan. At para sa mga kagaya ko, konting push pa. Darating din ang araw na makakamit natin ang Sablay All Stars 202-.
Darating din ang araw. ■
Si Gab ay estudyante mula sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran, batch 2019 at dating associate editor at features editor ng UPLB Perspective. Siya ay kasalukuyang campaign officer ng UP Internet Freedom Network.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.
LARAWANG KUHA MULA SA CDC STUDENT COUNCIL FACEBOOK PAGE



