Sabi nila, mikrokosmo ng lipunan ang pamantasan. Marahil ‘yun din ang dahilan kung bakit ito nagiging lunsaran ng dakilang paglaban.
May mga araw na pumapasok ako sa klase na ang tanging nasa isip ay kung pa’no ko matatapos ang lahat ng kailangan kong gawin. Madalas na kasi akong natatambakan ng readings at requirements bunsod ng magkaparehong pisikal at mental na kapaguran. Sa ganitong mga araw, madali para sa’kin na isipin na kailangan kong mag-aral nang mag-aral—ano man ang mangyari, kailangan kong maghabol ng mga deadline.
Pero may mga pagkakataon ding may mas mahalagang tanong na pilit sumusulpot sa aking isipan sa pagitan ng lectures at discussions: Hanggang kailan ako mananatiling nakaupo sa loob ng klasrum habang may mga suliraning panlipunan na nagtutulak sa ating tumayo at magmartsa?
Aaminin ko, hindi ko naman unang pinasok ang Unibersidad na gagap ko na agad kung paano lumaban. Maraming mga pagkakataon na kinakain ako ng pag-aalinlangan—salat sa enerhiyang kumilos pero punong-puno ng mga kontradiksyon. Kapag nagsusulat ako o pumipikit gamit ang kamera o humahanay sa isang protesta, lagi kong dala ang tanong kung may saysay ba talaga ang aking mga ginagawa.
Ngunit habang tumatagal, unti-unti kong napagtatantong mali rin palang isipin ang mga bagay na ito bilang mga indibidwal na suliranin. Ang pagod na nararamdaman ko bilang estudyante, ang pangamba ko sa kinabukasan, ang pangangailangang magtipid upang makakain—lahat ng mga problemang ito ay ‘di lamang akin.
Ang mga tanong na paulit-ulit kong itinatanong sa aking sarili ay mga tanong ding kinahaharap ng marami sa aking paligid, at marahil ito rin ang dahilan kung bakit ang personal ay palaging nagiging kolektibo at politikal.
May mga pagkakataong ang isang problemang akala ko ay sa akin lamang ay sintomas pala ng isang mas malaki at sistematikong sakit ng lipunan. Kapag paulit-ulit kong nakikita ang pangamba sa mukha ng kapwa ko mag-aaral; kapag naririnig ko ang parehong hinaing mula sa mga guro, kawani, manggagawa, at iba pang ordinaryong mamamayan; mas nagiging malinaw sa akin ang kahulugan ng mga problemang ating pinapasan.
Nagtatagpo ang ating mga karanasan. Magkakaugnay ang ating mga katanungan. Kung gayon, marahil ang mga sagot ay nakukuha ‘di sa indibidwal na pakikibaka kundi sa kolektibong paglaban.
Dala natin palagi ang ating mga sarili—ang ating mga pagod, pangarap, takot, galit, at pag-asa—sa tuwing lumalahok tayo sa malawakang pakikibaka. Kapag inilalabas natin ang mga ito sa lansangan, nagbabago ang kahulugan ng ating mga karanasan. Ang dating personal na hinaing ay nagiging bahagi ng isang mas malawak na panawagan. Ang boses na dati’y parang maliit ay nagiging parte ng dambuhalang kampanya.
Hindi mahirap mapagtantong kolektibo ang paglaban. Minsan, ang kailangan lang natin ay isang sandaling pipiliin nating tumayo sa halip na manatiling nakaupo. Minsan, ang kailangan lang natin ay isang simpleng pag-alis mula sa ating mga silid-aralan—isang walkout.
Ang pamantasan ay espasyo kung saan nagsasama-sama ang iba’t ibang mga karanasan mula sa iba’t ibang mga indibidwal. Ngunit higit pa rito, isa rin itong lugar kung saan natututo tayong makialam sa mundong nais nating unawain at baguhin. Bagaman neoliberal ang edukasyon na natatamasan natin ngayon, may mga pag-aaral sa labas ng mga klasrum na nagpapakilala sa atin sa halaga ng pagsusuri, pagtatanong, at pagkikilatis sa mga ugat ng isyung panlipunan.
Ang natatanging tanong nalang ay, anong mangyayari kapag natapos na ang pagsusuri ngunit nagpasya tayong huwag kumilos?
Dito nanggagaling ang kabuluhan ng walkout. Sa sandaling lumabas tayo sa ating mga silid-aralan, inililipat natin ang ating mga natutuhan mula sa mga pahina patungo sa lansangan.
Kasabay ng ating mga libro at requirements ang mga tanong na ‘di kayang sagutin ng isang lecture lamang.
Sapagkat hangga’t kulang tayo sa units, hangga’t salat tayo sa pondo, hangga’t sinusupil ng estado ang ating mga kalayaan, at hangga’t nananatili ang bulok na sistema na s’yang ugat ng ating mga tanikala, may rason palagi upang kunin ang kurso ng pakikibaka. Dito nagsisimula ang ugnayan ng sarili at kolektibo—sa pagkilala na ang bigat na pasan natin ay pasan din ng iba, at na ang mga problemang ‘di natin kayang lutasin nang mag-isa ay maaaring harapin nang sama-sama.
Makabuluhan ang walkout. Sa pagkakataong lilisanin natin ang ating mga silid-aralan, isinasabuhay rin natin ang ating pagpapasyang talikuran ang mga burges na pamantayan at suungin ang larangan ng paglaban.
Kaya kung may magtatanong man sa’kin mamaya kung sasama ba ako, ‘di ko na kailangang mag-alinlangan.
Tara, walkout tayo mamaya. May mga araw para umupo, makinig, at matuto. Ngunit may mga araw rin upang tumayo. Ngayon, alam kong ito ay isa sa mga araw na iyon.
Liliban tayo sa ating mga klase, ngunit hinding-hindi tayo liliban sa paglikha ng kasaysayan. ■
Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng BS Development Communication at manunulat mula sa Southern Tagalog Exposure. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.
LARAWANG KUHA NI LUKE CERDENIA



