Aninaw
Dadagundong ang bawat yapak ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan sa kanilang gagawing martsa patungong Metro Manila upang tuligsain ang mga dambuhalang ganid na nagpapahirap sa masang Pilipino.
Papalapit na ang pagpunta ng numero unong terorista at imperyalistang si Donald Trump sa Pilipinas para sa gaganaping ika-49 Association of the Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit ngayong Nobyembre 16-18. Kaugnay nito ang pormal na paglagda ng Pilipinas sa inisyatibang Pax Silica na una nang pinalitaw noong Abril ngayong taon.
Kinikilala si Trump bilang presidente ng Estados Unidos, ngunit lampas sa mabangong pangalan niya bilang pangulo ng isang malaki at makapangyarihang bansa, siya ang isa sa mga pinakamasahol at pinakamalupit na lider sa kasaysayan ng buong mundo. Bitbit ng kaniyang marahas na pamamalakad ang madugong sistema na hindi natatapos sa US, bagkus ay umaabot sa mga developing countries.
Kabilang ang Pilipinas sa mga naging biktima ng kaniyang kalupitan. Umaasal kasi na parang tuta ang administrasyon ni Marcos Jr. kung maglaway ito sa atensyon na maaaring ibigay ni Trump kahit na ang kapalit nito ay ang kapakanan ng masang Pilipino.
Sa ganitong kusang-loob na pagsasakripisyo sa mga mamamayan, may isang sumisibol na katiyakan.
Sinasalamin ng patuloy na desperasyon ni Marcos Jr. para kay Trump ang kapalpakan at kasinungalingan ng ASEAN Leaders’ Summit. Pinagsisilbihan lang kasi nito ang mga lider na may bahid ng korapsyon, at ang kanilang interes na mas lalo pang magkamal ng yaman.
Dagdag pa rito, malinaw na ang kaganapang ito ay isang porma lamang ng karimlan sa ating bansa, at iginigiit nito na ang mga namamalakad sa ating bayan ay walang pagtindig para sa masa. Ang mga tulad ni Marcos Jr. at Sara Duterte, kasama ang kanilang pamilya at mga kasapakat, ay mga grupo ng kriminal na walang hiya kung magpayaman gamit ang dugo’t pawis ng masang Pilipinong dapat kanilang pinagsisilbihan.
Pinapakita rin nito kung gaano kagaling magpanggap at magpakitang-tao ang mga alipores ni Marcos sa mga dayuhang pumupunta rito sa Pilipinas.
Batay sa sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang panayam noong ika-6 ng Nobyembre, gagamitin daw nila nang buo ang lahat ng kanilang rekurso para sa gaganaping Summit. Tinatanaw kasi nilang mahalaga ang pagbibigay nila ng proteksyon sa mga VIP at delegado na dadalo rito.
Katawa-tawa nga ang ganitong kuro-kuro. Papel na papel kasi sila ‘pag dating sa mga dayuhan, ngunit pwersahan naman nilang ginigipit ang mga katutubo at magsasaka sa kanayunan.
Kitang-kita talaga sa kanilang mga binibitawang salita kung paano nila sinasamba ang mga taong mayayaman at naghahari-harian sa ibang bansa upang lamunin ang pinagpispisan ng mga dayuhan. Nangyayari ang lahat ng ito habang binababoy nila ang mga pamilyang Pilipino sa iba’t ibang parte ng Timog Katagalugan.
Sapilitan kung ipalunok ng mga mayayaman at ng inutil na administrasyong Marcos Jr. ang kanilang mga huwad na pangako sa taumbayan. Ginigiit nilang tunay na magiging maunlad ang Pilipinas dahil sa industriyalisasyon gaganapin sa Luzon Economic Corridor (LEC).
Kinokontra ng mga progresibong grupo, tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at International League of the Peoples Struggle (ILPS), ang mga proyektong pinagbabantaan ang lupa at kabuhayan ng mga Pilipinong nakatira sa kanayunan, partikular sa lugar ng Subic Clark, Manila, at Batangas. Hinahangad kasi ng opisyal na pamahalaan, project developers, at international investors na ikonekta ang tatlong lugar upang umapela sa interes ng mga dayuhan.
Pagtataksil sa bayan ang pagtanaw ng mga progresibong grupo sa mga mayayamang nais pagkakitaan ang dapat ay karapatan ng mamamayan.
Tiyak na hindi na bago ang ganitong desperasyon ng mga mandarambong sa mga dayuhan. Kaya paulit-ulit nilang pinipigilan ang mga tao na makilahok sa malaya, demokratiko, at kolektibong mga kampanya.
Takot kasi ang mga ‘yan sa posibilidad na lumaganap ang totoong malaya at siyentipikong kaalaman sa buong bansa. Alam kasi nila na ang ganitong tipo ng kaalaman ay direktang nakasandig sa materyal na karanasan ng masa.
Sa katotohanan, pumapabor ito sa mga ordinaryong mamamayan.
Hindi iniiwanan ng agham ang mga mamamayan sa laylayan. Minamanipula lang naman talaga ng mga dambuhalang ganid ang siyensya upang hatiin ang masa. Kaya nga sa konteksto ng Pax Silica, pinipilit pa rin ng administrasyon ang huwad na kaunlarang bitbit ng inisyatibang ito. Patuloy pa rin kasing isinusulong ni Marcos Jr. ang korapsyon sa Pilipinas.
Ngunit kahit ilang beses niyang ipagyabang sa mga panayam ang mga inisyatibang gaya ng Pax Silica, magdudugo pa rin ang katotohanan sa puting bandila ng kaniyang kasinungalingan.
Sinabi pa ni Marcos na hindi raw niya maintindihan kung bakit may bitbit na balakid ang Pax Silica sa kabuhayan ng mga lokal na pamayanan, tulad ng Ayta, kung magbibigay naman daw ito ng libu-libong trabaho sa kanila. Hindi naman na ito nakagugulat. Paano nga naman iintindihin ng isang katulad niyang naghaharing-uri ang mga kondisyong dinaranas ng taumbayan?
Wala talaga tayong aasahan sa kagaya niyang anak ng diktador, magnanakaw, at mamamatay-tao.
Panloloko ang tawag sa ginagawa ng gobyerno. Habang pinapangakuan tayo ni Marcos Jr. na ang Pax Silica ay magbibigay kaunlaran sa maraming Pilipino, pilit niyang itinatago ang katotohanan na ang inisyatibang ito ay magbibigay ng lakas-pwersa sa militar ng mga dayuhang Amerikano.
Kaya tiyak akong nakakapagod na ang mabuhay sa Pilipinas kung patuloy lang naman tayong ginigipit ng sarili nating pamahalaan. Mahirap talaga ang maging mahirap dito sa ating bayan.
Ngunit alam kong hindi pa ito ang katapusan ng ating laban.
Naniniwala kasi ako sa kakayahan ng masa na sugpuin ang masasamang elemento sa ating lipunan. Kaya nga binibilang ko ang mga araw sa kalendaryo upang abangan ang nalalapit na UPLB walkout para sa pormal na protestang ilulunsad ng Timog Katagalugan.
Nagmula ito sa salitang ‘lakbay’ at ‘bayan’. Inilalarawan nito ang sama-samang paglalakbay ng iba’t ibang batayang sektor, organisasyon, at indibidwal upang magprotesta laban sa lahat ng porma ng sistematikong pang-aapi sa masa. Sinasalamin naman ng salitang ‘bayan’ ang pangunguna ng mga ordinaryong mamamayan na madalas kabilang sa maliliit at maharnalisadong komunidad sa pagmamartsa.
Sa Lakbayan natin makikita ang taimtim na pithayà ng mamamayang Pilipino na makamit ang isang lipunang may tunay na hustisya at kasarinlan.
Gaganapin ang nasabing dakilang martsa mula ika-12 ng Nobyembre hanggang sa pagdating ni Trump sa ika-16. Ipakikita nito ang pagsikat ng tanglaw ng Timog Katagalugan sa mga lansangan patungo sa sentro ng kapangyarihan sa Kamaynilaan. Maglalagablab ang masa at dadagundong ang kanilang yapak sa lupa hanggang sa hindi na makayanan ng mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang magpanggap na walang alam sa lagay ng bansa.
Tinatawag tayo ng Lakbayan upang makihanay at makiisa sa kolektibong pagkilos. Dahil mismong tayong sangkaestudyantehan ay pinahihirapan at kinakapos.
Bitbit din kasi ng impluwensya ni Trump ang pagpapahirap sa ating mga estudyante. Nilulunod tayo ng sarili nating sistema ng edukasyon upang palabnawin ang ating isip at kamalayan.
Kaya sa mga natitirang panahon ngayong taon, hayaan sana nating lumaya ang ating mga sarili mula sa mga kamay ng mandarambong. Naniniwala kasi ako na ang unang hakbang sa pakikibaka ay ang ating pagkatuto.
Dito sa Lakbayan, isinusulong natin ang pambansa, siyentipiko, at makamasang tipo ng edukasyon.
Tinuturuan tayo ng ganitong protesta na ang pagkatuto ay hindi lamang nakukulong sa apat na sulok ng silid-aralan. Ito ay nasa lansangan—nasa ating karanasan sa piling ng sambayanan.
Kung kaya’t ang piyesang ito ay isang imbestigasyon. Isang paanyaya sa bawat isa na humanay, makiisa, at kumilos para sa ating bayan. Dahil hinding-hindi mamamatay ang pag-asa sa ating lipunan hangga’t nabubuhay ang kilusang masa.
Ipakita natin sa mga ganid at mandarambong na pinamumunuan nina Marcos Jr., Sara Duterte, at Trump na ang mga Pilipino ay buong-tapang kung lumaban. Iparamdam natin sa taumbayan ang pag-ibig ng Timog Katagalugan at kung ano ang kaya nitong ipaglaban.
‘Pagkat sa dulo’t dulo, ang pinakamataas na porma ng pagmamahal ay ang pakikibaka para sa ating hangaring makamit ang kalayaan ng sangkatauhan. ■
DISENYO NI EUNICE UMANDAP



