Tei
Bawat pagpatak ng alas-otso ng umaga, bumibigat ang aking hininga habang nag-aabang sa inbox ng aking cellphone. Ito ang mukha ng aking paulit-ulit na pagbuno sa katahimikan ng burukrasya habang ang buong mundo ko ay nakabitin sa isang napakahalagang desisyon.
Hindi ako estranghero sa kapangyarihan ng mga salita. Bilang isang campus journalist at student leader, nasanay akong hawakan ang panulat hindi upang maging boses ng komunidad, kundi upang tumulong sa paghubog ng espasyo para sa mga higit na nangangailangan. Ngunit sa unang pagkakataon, ginamit ko ang aking panulat para ipaglaban ang sarili kong espasyo.
Ako ang hindi kilalang aplikante sa likod ng mga nag-viral na post sa UPLB Freedom Wall kamakailan. Mula sa admissions frustration; pagbyahe ko mula Cavite patungong Los Baños noong ika-9 ng Hunyo dala ang aking physical portfolio; ang open letter ko sa CDC Office of the College Secretary (OCS), at Associate of Science in Development Communication (ASDC) Program Committee; hanggang sa pagpapadala ng aking huling manual appeal noong ika-25 ng Hunyo sa email, bawat titik na isinulat ko roon ay patunay ng isang nagpupumiglas na pangarap.
Bagsak ang unang status ko. Rejected. Madaling sabihin na maghanap na lang ng ibang Unibersidad, na magpatuloy sa ibang kurso kung saan mas madali ang daan. Ngunit para sa akin, ang development communication ay hindi lang isang pribilehiyo o simpleng pamagat sa diploma—ito ay isang bokasyon. Nais kong gamitin ang digital media hindi lang para mag-ulat, kundi para sa community empowerment, panlipunang pagbabago, at pagsusuri sa ugnayan ng kultura at lipunan. Ang pangarap na iyon ay nakatali sa NCQ Hall. Kaya naman kahit sarado na ang mga regular na pintuan, pinili kong manatili sa labas at patuloy na kumatok sa pamamagitan ng manual appeal.
Sa aking pagkapit, hindi ko inaasahang maririnig ng mga haligi ng kolehiyo, gaya ni dating Dean Dr. Maria Celeste Habito Cadiz, ang aking boses. Ngunit sa likod ng suportang ito ay ang malamig na katotohanan: hindi ako nag-iisa sa labas ng bakod. Ayon sa ulat ng Tanglaw, lumobo sa 421 ang aplikante ngayong taon kumpara sa 146 noong unang taon ng ASDC. Ang aking desperasyon ay mukha ng daan-daang “invisible applicants” na nakikipag-agawan sa iisang pirasong pagkakataon dahil sa limitadong slots.
Dito nagiging malinaw ang isang kabalintunaan. Habang naninindigan ang komite na ang edukasyon ay isang karapatan at hindi dapat ginagawang kompetisyon, ikinakahon tayo ng isang sistema ng edukasyong may kakulangan sa rekurso. Paanong hindi magiging kompetisyon ang pagpasok sa ASDC program kung sa dambuhalang bilang ng naghahangad na makapasok ay may kakulangan pa rin sa kaguruan ang kolehiyo? Bukod pa dito ay nananatiling masikip at salat sa kagamitan ang pisikal na espasyo sa NCQ Hall. Ang pinto ay hindi sadyang isinasara ng kolehiyo; ito ay ipinipinid ng sistemang nagkakait ng sapat na badyet para sa mga pampublikong Unibersidad.
Kaya naman ang aking sanaysay ay hindi na lamang kwento ng sarili kong manual appeal. Ito ay panawagan sa administrasyon ng UP at sa gobyerno na dinggin ang mga hinaing para sa mas malaking pondo sa mga pampublikong pamantasan. Dagdagan ang mga pasilidad, palawakin ang mga silid-aralan, at kumuha ng mas maraming kaguruan na magpapatakbo sa mga associate program. Huwag ninyong hayaang maging sugal o laro ng swerte ang pangarap ng mga kabataang nagnanais lamang magsilbi sa bayan gamit ang agham ng Devcom.
Tuluyan nang nagsara ang pinto ng CDC para sa akin ngayong taon matapos kong matanggap ang email ng OCS nitong Miyerkules lamang. Ngunit kahit ibinaba na ang hatol, ang panulat na ito ay hindi bibitiw. Hindi na lamang ito para sa aking nawalang slot, kundi para sa isang bukas na sistema kung saan ang edukasyon ay tunay na para sa lahat. Maaaring hindi ako makakapasok sa NCQ Hall ngayon, ngunit ang panawagang ito ay mananatiling nakatayo sa tapat ng kanilang pintuan. ■
Si Tei ay isang campus journalist, student leader, at officer mula sa Cavite. Sa kasalukuyan, isa siyang nagpapatuloy na manunulat na naghahangad na maging opisyal na bahagi ng CDC upang gamitin ang midya para sa community empowerment at panlipunang pagbabago.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.



