(Mensahe para sa CDC Class of 2026)


Kung Saan Higit na Kinakailangan


Ang sumusunod ay ang talumpating binigkas ni Luke Cerdenia, ASDC graduate mula sa CDC Class of 2026, sa graduation rally ng CDC noong ika-1 ng Hulyo, 2026 sa Charles Fuller Baker Hall, UPLB.

Isang taas-kamaong pagbati, CDC Class of 2026! Tayo ay mga gradweyt ng palengke, mga gradweyt ng unibersidad ng kanto, ng pamantasan ng puso. Hinubog tayo ‘di lang ng mga silid-aralan kundi ng mga krisis na araw-araw nating hinarap bilang mga iskolar ng bayan. 

Danas natin ang agawan sa limitadong slots dahil sa tuloy-tuloy na budget cut. Danas natin ang pag-atake sa ating kalayaan sa bisa ng red-tagging at political violence. Danas natin ang isang edukasyong unti-unting hinuhubog upang lumikha ng murang lakas-paggawa sa halip na mapanuring mga mamamayan—isang layuning pinatitindi ng Reframed General Education Curriculum (RGEC) na nagbabawas sa mga kursong humuhubog sa ating kritikal, historikal, at panlipunang pag-unawa. Danas natin ang kakulangan ng mga guro, REPS, at kawani dahil sa kakarampot na plantilla positions at patuloy na kontraktwalisasyon sa loob mismo ng pamantasan. Kasabay nito ang mababang sahod at kakarampot na benepisyo ng mga taong araw-araw na nagpapatakbo sa ating unibersidad—mga guro, kawani, at manggagawang matagal nang nananawagan ng nakabubuhay na sahod, regularisasyon, at disenteng kabuhayan. 

Danas na danas natin ang hangarin ng estadong gawing bansot ang ating pag-iisip, alisin ang puso sa heartful communication na ating tinatangan, at supilin ang ating kakayahang kwestyunin at baguhin ang bulok na sistema.

Kung kaya’t bagaman malaking tagumpay ang hawak-hawak natin ngayon, may tungkulin tayong ialay rin ang tagumpay na ito sa pag-alala sa ating mga kasamang wala rito ngayon dahil sa sanga-sangang mga krisis. ‘Yung mga hindi na nagawang magpatuloy dahil sa bigat ng dormitory fees. ‘Yung mga napilitang ma-delay dahil sa kakulangan sa rekurso. ‘Yung mga kabataang hindi nagawang makapasok sa UP hindi dahil hindi sila mahusay kundi dahil ipinagkakait sa atin ng sistema ang tunay na aksesibleng edukasyon. 

Hindi kailanman naging neutral ang Devcom. At bilang mga nagtapos nito, hindi rin p’wedeng maging hiwalay ang ating pagkatuto sa mga krisis na humuhubog sa lipunan.

Araw-araw nating nasasaksihan kung paanong pinipilit patahimikin ang pamamahayag—sa loob man o labas ng pamantasan. Nananatiling kulang sa pondo ang mga pahayagang pangkampus tulad ng Tanglaw. Patuloy na lumalala ang campus press freedom violations sa bansa. Tinatakot tayo, rine-red-tag, tinatawag na “kornbip,” inaantagonisa ang mismong mga pagsisikap nating makalubog sa mga komunidad na may mga kwentong kailangang mapaingay. 

At sa mas malawak na antas, hindi lamang tinatakot ang mga peryodista; sila’y kinukulong at pinapaslang. Hanggang ngayon, nakakulong pa rin si Frenchie Mae Cumpio dahil sa mga gawa-gawang kaso. Nitong Abril lamang, pinaslang ng militar si RJ Ledesma sa Negros. At lampas pa sa Pilipinas, tuloy-tuloy rin ang pagpatay ng Israel at Estados Unidos sa mga mamamahayag na ang tanging krimen ay ang pag-uulat ukol sa henosidyo sa Gaza, pag-uulat sa katotohanang iligal ang okupasyon ng Israel at na libu-libong sibilyan—kabataan, mga sanggol, kababaihan—ang patuloy na pinapaslang sa henosidyo.

Para sa mga naghaharing-uri, krimen ang pagsasabi ng katotohanan. 

Ngunit, ibig sabihin ba nito, tatanggapin na lang nating krimen din ang mismong pundasyon ng Devcom? Sa DEVC 10 pa lamang, itinuro na sa atin sa mga akda nina Ongkiko at Flor na ang Devcom ay komunikasyong nakatuon sa pag-unlad ng mamamayan—komunikasyong nakasandig palagi sa masa.

Ito ang dahilan kung bakit inilalathala natin ang kwento ng mga maralita mula sa Bambang na nagbabarikada upang protektahan ang kanilang komunidad mula sa demolisyon. Ang kwento ng mga Mangyan-Iraya sa Mindoro na binobomba ng 76th Infantry Battalion ng Philippine Army. Ang kwento ng mga mamamayan ng Pakil na aktibong tinutuligsa ang mapanirang Kaliwa Dam, ng mga mamamayan ng San Antonio na taun-taong lumilikas dahil sa huwad na flood control projects. Ang kwento ng mga tsuper na nagwewelga sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike, ng mga manggagawa ng Gardenia na pinagkakaitan ng kanilang mga batayang karapatan. 

Ang demolisyon sa Bambang, ang pambobomba sa Mindoro, ang pang-aagaw sa lupa sa Pakil, ang pag-atake sa mga manggagawa, at maging ang henosidyo sa Palestine ay magkakaibang mukha lamang ng iisang sistemang pandaigdig na nakabatay sa pananamantala. Ang tawag rito ay imperyalismo, at habang nakikipagsabwatan ang estado sa imperyalistang Estados Unidos, lalong nalulugmok ang mga komunidad na dapat sana’y umuunlad. 

Sa ganitong paggana, hinding-hindi maaaring tawaging neutral ang Devcom. Ang tunay na kasaysayan ng Devcom ay isang kasaysayan ng mapagpalayang pakikibaka para sa tunay na makamasang kaunlaran. 

Bilang pangwakas, hihiramin ko ang mga salita ni Frenchie Mae Cumpio sa isang liham ngayong taon. Sabi niya, “Do not just write about legacy. Be part of it.” To write about the people’s struggles is to resist. Kaakibat ng bitbit nating mga sablay ngayon ang pananagutan. Pananagutan sa mga kwentong ipinagkatiwala sa atin ng masang anakpawis na nakadaupang-palad natin sa mga nagdaang taon. Pananagutan sa ating mandatong magsulat, mag-ulat, at makibaka. Pananagutan sa mga nauna sa atin, sa mga martir ng sambayanan kagaya nina Jethro Isaac ‘Ka Pascual’ Ferrer,  John Carlo ‘Ka Yago’ Alberto, at RJ Nichole Ledesma na nag-alay ng kanilang mga buhay upang diligan ang mga binhing magpapatuloy sa kanilang makatarungang pakikibaka. 

We must possess the unrelenting willingness and uncompromising commitment to advance the national democratic struggle. Patuloy nating ipunin ang ating lakas upang makibaka hanggang sa ganap na tagumpay. Mahaba pa ang ating lalakbayin, ngunit ‘di tayo nag-iisa—walang makapipigil sa pagdaluyong ng daan-daan at libo-libong masa. We will dare to dream, dare to struggle, and most of all, dare to win. 

Mga kasama, muli, maalab at taas-kamaong pagbati sa ating lahat!

Ang araw na ito ay ‘di pagtatapos bagkus isang simula. Kung tunay nating pangangahasang mangarap, makibaka, at magtagumpay, huwag nating hayaang dito matapos ang ating pagkilos. Dalhin natin ito lampas sa bulwagang ating kinatatayuan. Tumungo tayo sa mga lansangan, sa kanayunan. Tumungo tayo sa mga espasyo kung sa’n higit na higit tayong kinakailangan. ■

KUHA NI ZY NABIULA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya