Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.


“In the line of fire is the place of honor.”

Dalawang araw bago ang paggunita sa deklarasyon ng Batas Militar noong 1987 nang pinaslang ng mga ‘di kilalang armadong indibidwal ang pinagmulan ng mga katagang ito: si Lean Alejandro, isang peryodista, aktibista, at lider-estudyanteng nagsilbing haligi ng kilusan noong panahon ng diktadurang Marcos. Pinaniniwalaang kaugnay ng Reformed Armed Forces (RAM) at Oplan Lambat Bitag ng administrasyong Cory Aquino ang pagpatay kay Lean.

Bagaman mahigit tatlong dekada na ang lumipas magmula noon, nananatiling buhay ang legasiya ni Lean sa pakikibaka ng sambayanan. 

Kinikilala ng pahayagan ang militansya ni Lean sapagkat nagsisilbi itong testamento sa gampanin ng Tanglaw ngayon. Katulad ni Lean na ginamit ang kapangyarihan ng panulat at ng pag-oorganisa, gagap ng publikasyon ang tungkulin nitong maglimbag ng mga radikal na piyesa ‘di lamang upang magsilbing komentaryo kundi para mamobilisa ang sangkaestudyantehan. 

Makabuluhan ang araw na ito, ika-21 ng Setyembre, para sa Tanglaw sapagkat simbolo ito ng ugat ng mga operasyon ng pahayagan. Ngunit, higit pa rito, masa mismo ang nagpapakahulugan sa araw na ito sa kanilang paggunita sa malagim na diktadura na kumitil sa buhay ng libo-libong mamamayan at pumatay sa demokrasya sa bansa. 

Maraming mga naging tagumpay ang kilusang masa na nakatulong upang mapabagsak ang rehimeng US-Marcos Sr. Pero habang kahingian ang pagkilala sa timbang ng mga panalong ito, malinaw rin sa masang anakpawis na hindi pa ganap na natatapos ang laban na sinimulan ng mga martir ng sambayanan kagaya nina Lean. 

Nasa panahon ng kaligaligan ang Pilipinas ngayon. Habang tigib ang administrasyong US-Marcos Jr. sa kahambugan dahil sa ipiniprente nitong itsura ng kaunlaran, katulad ng mga pahayag ng pangulo noong mga nakaraan niyang State of the Nation Address (SONA), klaro pa rin sa mga mamamayan na ang parehong mga isyung bumabalot sa lipunan noong dekada sitenta at ochenta, sa madilim na panahon ng ama ni Marcos Jr., ay nananalaytay pa rin ngayon. 

Laganap pa rin ang kagutuman, kakulangan sa trabaho, barat na pasahod sa mga manggagawa, at kawalan ng lupa sa mga magsasaka—mga isyung pampakilos noong Batas Militar. 

Sa Timog Katagalugan, demolisyon sa mga maralitang komunidad, pananakot sa mga sakahan, at pag-atake sa mga manggagawa ang handog ng pamahalaan sa gitna ng tumitinding krisis pang-ekonomiya. Wala ring tigil ang mga mapanirang proyekto sa rehiyon, kagaya ng ilegal na mga quarrying, pati na rin ang itinatayong Laguna Lakeshore Road Network (LLRN), floating solar farms, at Kaliwa Dam.

Habang walang humpay pa rin ang pagbaha sa mga probinsya sa rehiyon isang taon matapos tuligsain ng malawak na hanay ng masa ang maanomalyang flood control projects at nakaamba ang banta ng parating na Super El Niño, nananatiling mailap ang tunay na pananagutan.

Mahigpit din ang kapit ng pasismo sa Unibersidad at sa buong rehiyon. Daan-daang mga bilanggong pulitikal ang nananatili sa selda dahil sa gawa-gawang mga kaso, habang mas lumalaganap—sa tulong ng generative artificial intelligence—ang mga kaso ng red-tagging at disimpormasyon laban sa mga aktibista. Binabalot pa rin ng takot ang mga komunidad sa laylayan, kagaya ng mga katutubong Mangyan-Iraya sa Mindoro, dahil sa militarisasyon at tuloy-tuloy na pambobomba.

Walang duda na tanging pagpapahirap sa masa ang layunin ng pamahalaan, at patibong lamang ang pekeng naratibo ng estado sa pagtangan sa mga polisiyang nakaangkla sa pangangailangan ng masa. Patunay rito ang reyalidad na barya na nga lang ang dagdag-sahod na ipinangako ng gobyerno sa bansa, patuloy pa itong ipinagkakait sa mga manggagawa. Huwad din ang mga panukalang batas na nakabihis sa damit ng pagiging progresibo, kagaya ng pekeng anti-political dynasty bill na kasalukuyang nakahain sa Kongreso.

Nananatili pa rin ang unprogrammed appropriations sa iminumungkahing pondo para sa susunod na taon. Dati nang pinunto ng mga progresibong organisasyon na ang unprogrammed appropriations ay hamak na paraan ng mga korap na politiko upang mangurakot. 

Bukod pa rito, imbes na unahin ang mga primaryang serbisyo na higit na kailangan ng mga mamamayan ngayon, mas binibigyang-prayoridad pa ng administrasyon ang paglalaan ng badyet sa mga pasista nitong instrumento kagaya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Kahit mabigat ang kahingian para sa lupa sa magsasaka, taas-sahod sa manggagawa, at libreng edukasyon sa kabataan, malinaw ang kagustuhan ng estado na unahin ang militarisasyon at korapsyon—mga interes na nakalinya sa kagustuhan ng mga dayuhan. 

Lampas sa usapin ng badyet, aktibo ring ikinukubli ng gobyerno ang patuloy nitong pagsandig sa imperyalistang Estados Unidos sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ilusyon na kaunlaran ang idudulot ng mga kolonyal na polisiya sa bansa. Kabilang sa mga mainit na isyu ngayon ang Reframed General Education Curriculum (RGEC) at Pax Silica initiative.

Layon ng RGEC na palabnawin ang kritikal na pag-iisip ng sangkaestudyantehan sa bisa ng pagtatanggal sa mga kursong humuhubog sa kanilang historikal at panlipunang pag-unawa. Epektibo rin nitong pinipilay ang kakayahan ng masa na tuligsain ang mga mapanirang proyekto kagaya ng Pax Silica, isang imperyalistang proyekto na naglalayong kamkamin ang lupa ng mga katutubo, sirain ang kalikasan, at bumuo ng panibagong paraan para sa pagkamal ng labis-labis na tubo.

Sa madaling sabi, walang mahihitang makamasang polisiya ang mga mamamayan mula sa pamahalaan. Kabaliktaran pa nga nito ang hinahain ng estado sa taumbayan.

Kakambal ng sanga-sangang krisis ang mas paglalim ng mga hidwaang pampulitika sa pagitan ng mga naghaharing-uri. Bagaman napagtagumpayan ng kilusang masa na mapagulong ang impeachment trial ni Sara Duterte sa Senado, malinaw pa rin ang katotohanan na naging salik dito ang hidwaan sa pagitan ng pamilyang Duterte at Marcos. Habang palala nang palala ang mga bangayan, pabulok din nang pabulok ang sistemang araw-araw dinaranas ng mga Pilipino.

Kaugnay ng hidwaang ito ang kaguluhang bumabalot sa lehislatura—mula sa patuloy na pagtatago ni Ronald “Bato” dela Rosa at ang pagkakakulong ni Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), hanggang sa mga kasong isinampa kina Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta, at Martin Romualdez, mahalagang tandaan na hindi senyas ang mga ito na gumagana na muli ang sistema ng hustisya, kundi pruweba ng mga bitak sa hanay ng dating alyansang UniTeam. 

Sa halip na tugunan ang kagutuman, kawalan ng lupa, at pasismo, inuubos ng mga naghaharing-uri ang kanilang lakas sa pag-aagawan sa kapangyarihan. Ang dapat na mga mekanismo para sa katarungan, kagaya ng impeachment trial, ay nagiging aktibong lunsaran ng tunggalian sa pagitan ng mga makapangyarihan.

Sa gitna ng lahat ng ito, nananahan ang mahalagang tanong para sa kilusan: ano ang sunod na hakbang?

Isang taon na ang nakaraan magmula nang lumabas ang 7000 mag-aaral, kaguruan, at iba pang miyembro ng komunidad ng UPLB sa kanilang mga silid-aralan upang isigaw ang kanilang mga hinaing. Isang taon na rin ang nakararaan magmula nang magtungo ang laksa-laksang Pilipino sa Luneta at Mendiola upang kalampagin ang reaksyunaryong estado.

Sa harap ng samu’t saring suliraning panlipunan, hamon para sa kilusan ng sangkaestudyantehan na hindi lamang gunitain ang militansyang tinangan ng sambayanan na nakaukit na sa kasaysayan, kundi patuloy itong isabuhay hanggang sa tagumpay.

Mula sa First Quarter Storm (FQS) at welga sa La Tondeña noong panahon ni Marcos Sr. hanggang sa pag-aalsa ng sambayanan sa EDSA na nagpabagsak sa diktadura at sa mahaba’t nagpapatuloy na armadong pakikibaka ng mga pulang mandirigma, pinatutunayan ng kasaysayan na palagi itong magluluwal ng mga bayaning handang sumalungat sa agos—na anuman ang panahon, palaging paglaban ang hakbang pasulong.

Kailangang panindigan ng kasalukuyang henerasyon ang mga prinsipyo’t tagumpay na tinangan ng mga martir ng sambayanan. Ang pag-alala ay umaabot sa rurok ng kabuluhan nito kapag humantong ito sa pagkilos—sa puntong ang mga aral ng nakaraan ay nagiging gabay sa pagharap sa mga krisis ng kasalukuyan, balangkas sa paghubog ng pakikibaka para sa ganap na kalayaan, at motibasyon upang masigurong tuloy-tuloy ang laban.

Higit sa mga salita ang pangako ng kasaysayan na palaging may tatangan sa laban para sa kalayaan. Mahalagang tingnan ang mga naipundar ng kilusang kabataan sa nakalipas na mga buwan upang makitang hindi abstrakto ang kakambal ng pag-alala na deklarasyon ng paglaban.

Nitong nakaraang linggo, mahigit anim na libong mag-aaral, kaguruan, at iba pang mga sektor ang muling napalahok ng Unibersidad sa malawakan nitong walkout. Bukod sa UPLB, nakapagpalabas din ang ibang mga pamantasan ng mga mag-aaral mula sa kanilang mga silid-aralan—patunay na patuloy ang pag-usbong ng kolektibong kamalayan at militansya ng kabataan sa harap ng lumalalang krisis panlipunan.

Ngunit hindi dapat magpakasapat ang kilusan dito. Kahingiang maipagpatuloy ang pag-oorganisa, pagpapalalim ng kamalayang pampulitika, at pagbuo  ng nagkakaisang hanay ng mga mag-aaral at iba pang sektor sapagkat sa bawat plakard na itinataas, panawagang binibitbit, at hanay na binubuo, naipapakita ang kakayahan ng kabataan na makilahok sa paghubog ng rebolusyon. 

Sa ganitong kalagayan din mas lumalaki ang gampanin ng mga alternatibong midya katulad ng Tanglaw at iba pang kampus pahayagan.

Limang taon magmula nang magsimula ang mga operasyon ng Tanglaw, mas dambuhala na ang tungkulin na tinatangan nito. Sa bawat artikulo, komentaryo, at radikal na piyesa na inililimbag ng pahayagan, pinatutunayan nitong hindi ito basta publikasyon lamang, kundi isang kolektibong nakaugat sa interes ng masa. 

Malalim ang pag-unawa ng Tanglaw sa reyalidad na sa panahong nasa rurok na ang politikal na kamalayan ng masa bunsod mismo ng mga krisis na iniluluwal ng bulok na sistema, muling kikilos ang sambayanan mula kanayunan at sa mga lansangan ng Timog Katagalugan, hanggang sa kahabaan ng Mendiola sa Kamaynilaan, upang baguhin ang bulok na kaayusan.  ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya